AWANG-awa sa manong sepulturero si Avery, habol na nito ang paghinga sa tindi ng hika. Dama ni Avery na malapit na itong mamatay.
At walang magagawa ang dalaga kung ang manong ay matutuluyan. Ang kamatayan ay nakatakda; itinakda ng Nasa Itaas.
Ang buhay ng sinumang mortal ay Siya ang babawi. “God giveth, God taketh,” sabi ni Avery sa sarili, sa diwa lamang.
Naalala na naman si Russell na naiwan niya nang sapilitan, sa loob ng OR ng ospital. “Siguro, susulpot na lamang dito sa tabi ko ang... kaluluwa ni Russell, kung natuluyan nga siya”.
Pahina nang pahina ang paghinga ng sepulturero, nagsa-sign of the cross na lang ang tulirong dalaga.
KINUWESTIYON na naman ni Tita Soledad ang sariling panginoon. Nakadipa na naman ang mga kamay, nakatingala sa itim na istatwa.
“Prince of Darkness, mali talaga ang timpla mo kay Avery! There is no rhyme and reason! Sa Tagalog, sintunado ka!”
Kaytapang na pananalita ito ng mortal na tiyahin ni Avery, na pumikon sa boss na sungayan.
“Dapat ka nang maging ipis, aroganteng mortal!”
Nanginig pati puwitan ni Tita Soledad. “Huwag po, hindi na po ako pupuna! Tikom na po ang bibig ko, prince!”
Lumabas-pasok sa bunganga ang dila ng demonyo, nagniningas ang mga mata, halatang sagad ang ngitngit.
“Putrakla ka, Soledad! Bakit ngayon ko lang nakita ang mali ko kay Avery? Sa unang pagkakataon ay tumama ka ng obserbasyon!”
“P-Po?! Talaga po, prince?”
“Si Avery ay dapat nang maituwid ang kaisipan! Hindi magandang siya ay biktima ng katangahan ko!
“Dapat siyang maging siya!” mahabang deklara ng may sungay na istatwa.
“Pero mas dapat mamatay si Avery, prince! Para solo ko na ang yaman!”
Hunghang! Soledad, dapat na kitang itapon sa impiyerno!”
Hinigop ng puwersa si Soledad, tuluy-tuloy sa dagat ng apoy. AAAHH.
SA SEMENTERYO, nadama ni Avery ang pagbabalik ng buhay. (2 labas)