SA PANINGIN nga ni Avery, umaagos sa dugo ang bunganga ng baklang pinagsusuntok niya.
“Hu-hu-huuyy. Napakalupit ng kamao mo!”
“Tama lang ‘yan sa ‘yo, bakla. Sobra mo akong nilait-lait.”
“Hindi pala kita dapat nakakrus ng landas, Avery! ‘Buti nga sa’yo—hindi ka mahal ng mahal mong si Russell!” hirit ng bading.
Naalala ng dalaga ang mga dapat itanong sa lalaking alanganin.
“Bakit mo kami kilala ni Russell? At bakit mo ipinipilit na hindi niya ako mahal?” Nakaamba na naman ang kamao ng dalaga sa kausap. “Sagot!”
“K-kilala kita at kilala ko si Russell dahil...”
“Dahil ano? Sagot!”
Tumikwas ang daliri ng bakla. “D-Dahil si Russell ay ka-batch ko sa college. I-ikaw naman ay dito ko na nakilala sa ospital.
“Magkalugar tayo, Avery, pareho ng street na tinitirahan noon...”
Sinipat nang husto ng dalaga ang wirdong bakla. “Kilala ba kita?”
“Oo, pero ayaw mo lang alalahanin. Ako ‘yung nasa dulo ng kalye natin. Ako ang dakilang bakla.”
Napalunok si Avery, nahagilap na sa alaala ang kausap. “Ikaw si... Annie na nakapatay ng...tatlong binata?”
“Sakto, my dear! Pinatay ko ang tatlong binatang nagtaksil sa akin!
“Mula noo’y nakatulad mo na ako—ispiritung lito, pagala-gala sa kawalan.”
Yanig na yanig si Avery. Akalain ba niyang pareho pa sila ng estado ng infamous bakla?
“Tayo ay mga yagit na ispiritu, Avery. NPA, No Permanent Address. We are gone with the wind.”
“Bakit mo nasabing hindi ako mahal ni Russell, Annie?”
“Noon kasing college namin, si Russell mo ay kilalang womanizer. Lahat na yata ng nakapalda ay kinuwan. This Russell of yours ay hindi alam ang meaning ng tunay na pagmamahal, dah’ling!”
Napalingon sila sa katabing OR, pumikit-dumilat ang pulang ilaw sa pinto niyon. Ibig sabihi’y nasa sagad nang krisis ang pasyente—si Russell. (ITUTULOY)