Walang nakakaligtas sa pagkakaroon ng “bad hair day”, dahil sa iba’t ibang dahilan, puwedeng dahil sa panahon, minsan sobrang hangin, alikabok o di kaya ay init na nagdudulot para ma-dry ang iyong buhok. Ang masaklap, kung kailan ka pa naman may lakad gaya ng class reunion, first date o dadalo ka sa kasal ay saka pa tila nakikipag-away sa’yo ang iyong buhok. Narito ang ilang paraan paano mo patatahimikin ang sutil mong buhok:
Dry hair – Ang bawat hibla ng iyong buhok ay may natural na pampakintab na tinatawag na “hydrolipidic film”. Kaya lang nawawala ito sa oras na masyadong malantad sa sobrang init ang iyong buhok, gaya ng palagiang pagpaplantsa o paggamit ng dryer. Magreresulta ito ng pagka-dry ng buhok at presto, hindi maganda ang kalalabasan ng iyong itsura. Kung ganito na ang sitwasyon agad na tulungan ang iyong buhok sa pamamagitan ng paglalagay ng natural oil gaya ng langis ng niyog.
Fly-Away – Wala na yatang kaiinisan ang mga babae kundi makita ang kanyang buhok na tila mga walis tambo na iba’t iba ang direksiyon. Kapag ganito ang kondisyon ng iyong buhok, gumamit ng “dryer sheet” o kaya ay bristle brush na nylon. Sa ganitong paraan ay mapapasunod mo ang iyong buhok.
Naninigas na buhok – Normal ang matigas na buhok kapag ikaw ay kulot, pero hindi rin ito dapat, kapag matigas ang hibla ng iyong buhok, posibleng kulang ka sa protina kaya nangangailangan ng moisturizer ang iyong buhok. Dapat mong i-shampoo araw-araw ang iyong buhok para lumabas ang natural oil sa iyong anit. Maghanap ng shampoo na may mataas na sangkap ng protina.
Masyadong “oily” - Ang buhok na masyadong oily ay resulta lang ng sobrang sebum sa iyong sebaceous gland sa anit. Mabuti sana ito dahil nagdudulot ito para hindi ma-dry ang iyong buhok. Kaya lang dahil minsan sa stress, hormonal changes at sa iyong kapaligiran ay hindi nagiging normal ang produksiyon ng oil sa iyong anit. Mareremedyuhan naman ito sa pamamagitan ng paggamit ng hair powder o dry shampoo, mahusay ding gamitin ang mga mild clarifying shampoo. Iwasan din ang sobrang pagsusuklay.