Maraming nagtataka bakit nga ba may mga lalaking “flirt” o masyadong pa-charming sa mga babae, ‘yun mga tipong nagpapa-cute kahit na kaninong babae makakuha lang ng atensiyon. Minsan mas flirt pa nga ang mga lalaki kaysa sa mga babae. Ayon sa ilang eksperto, karamihan sa mga nagpi-flirt ay mga lalaking mayroon ng karelasyon. Nakakabuti rin minsan sa kalusugan ang gawaing ito dahil nakakaramdam ng kasiyahan at “satisfaction”. Gayunman, kahit pa may benepisyo ang pagpapa-charming ng mga lalaki kahit pa sila ay “committed” na, ano nga ba ang tunay na dahilan bakit nagpi-flirt ang mga lalaki? Narito ang ilan:
‘Achievement’ – Maituturing na isang pangarap na naabot ang pakiramdam ng isang lalaking nakakapagpatawa ng babae sa pamamagitan ng kanyang pagpi-flirt. Nakakaramdam ng “satisfaction” ang lalaki dahil sa paniniwalang tila nasa ilalim na ng kanyang “spell” ang babae.
Atraksiyon – Kasama na sa DNA ng mga lalaki ang magkaroon ng atraksiyon sa magagandang babae. Kung mapapansin mo, natural na nagpi-flirt ang mga lalaki sa pinakamagandang babae na nakikita nila sa isang grupo. Ito ay dahil ang “law of attraction” ay hindi naman talaga nagmumula sa feelings o emosyon kundi sa unang pagkikita ninyo. Madalas mangyari ito sa mga lalaki kumpara sa mga babae.
‘Fun’ – Karamihan sa mga lalaki, nagpi-flirt dahil lang masaya ito para sa kanya. Nasisiyahan rin ang lalaki kapag nakikita niyang may mga kapwa lalaki siyang naiinggit sa kanya dahil sa talent niyang taglay sa pakikipag-flirt. Nasisiyahan din ang lalaki kapag alam niyang sikat siya sa grupo ng mga babae.
Walang ‘commitment’ – Karamihan sa mga lalaki ay iniiwasan ang magkaroon ng commitment sa kahit na sinong babae. Kaya ang pakikipag-flirt ang isang paraan upang magkaroon ng babae sa kanyang buhay. Kung ang pakikipagrelasyon ng isang lalaki ay mula sa pakikipag-flirt, hindi niya kailangan mangako ng pagbibigay ng buwan at bituin sa babae, pero nae-enjoy niya pa rin ang naibibigay ng benepisyo ng isang relasyon ng walang “commitment”.