Ang malimit na sanhi ng pananakit ng likod ay nagsisimula sa gulugod (lumber spine), na nasa pagitan ng baywang at kuyukot. Nasa leeg (cervical spine) ang ikalawang sanhi ng pagkirot. Depende sa sanhi, ang pagkirot ay maaaring tuluy-tuloy, panaka-naka lamang, o kaya ay nakasentro sa iisang lugar. Maaari rin itong maging malala, o tila ba sinasaksak sa sakit at kumakalat mula sa ibabang bahagi ng likod patungo sa pigi at mga hita. Maaari ring magmula sa leeg patungo sa panga at mga bisig ang pangingirot.
Karamihan sa sakit ng likod ay dahil sa pulikat o nabanat na kalamnan, na ang sanhi ay maling pagbubuhat o biglaang pagpihit ng katawan. Maaari ring dahilan ang maling postura, malabis na katabaan at pagbubuntis. Ang mga ito ay nangangailangang bigyan ng atensiyong medikal at hindi mareresolba ng pagbabawas lamang ng oras sa pagbibiyahe, pag-upo o pagtatrabaho. Maaari itong maging pangmatagalang suliranin. Sa iba pagkakataon, ang pagkirot ng likod ay sanhi ng pisikal na pagkakasakit.
Karamihan sa mga nagiging sanhi ng pananakit ng likod, ayon sa pagsusuri ng mga espesyalista, ay ang sumusunod:
Rumurupok na buto (degenerative disk). Ang disk sa gulugod ay tila maliliit na espongha na nasa pagitan ng isa sa mga buto ng gulugod at nagsisilbing “shock absorbers”. Habang nagkakaedad ay nawawala ang katangian nito na sumalo ng bigat. Ang pagrupok ng buto ay resulta ng normal na proseso ng pagtanda. Subalit maaari rin itong mamana sa magulang, o kaya’y matamo sa trauma o direktang pinsala sa disk. Kapag ang mga buto ng gulugod ay lumihis o nagkiskisan, ang tila kurot at iritasyon sa ugat ng nerbiyos ay nagaganap at nagsisimulang manikip at manigas ang kalamnan.