ISINAKAY ni Russell sa kanyang kotse si Avery. Dama ng binata na nanganganib siyang maunahan ni Kamatayan sa buhay ng dalagang naniniwalang patay na.
“Avery, hold on! Papunta na tayo sa pinakamalapit na ospital! Maililigtas ka pa, trust me!”
Bahagya nang narinig ni Avery ang sinabi ni Russell; tila siya ay agaw-tulog na ayaw gumising.
Pakiramdam ng dalaga ay nilalaro siya ng mga anghel; sinasamahan sa sandaling iyon ng krisis.
“Avery, hindi kita pababayaan! Minamahal kita!” bulalas ni Russell. At iyon ay mula sa puso ng binata.
Napalunok si Russell, ramdam na totoo sa kanyang puso ang mga salita ng pag-ibig. Tunay niyang iniibig si Avery, totoong minamahal.
Sa naglalakbay na diwa ni Avery nang mga sandaling iyon, malinaw niyang nasagap ang hinaing ng puso ni Russell.
This guy is in love with her. Tunay siyang minamahal ni Russell.
Bahagyang napaigtad ang lungayngay na katawan ng dalaga. Ewan kung dahil sa narinig na pahayag ng pag-ibig.
“Avery...?” Kinabahan si Russell. Iyon na ba ang huling hininga ng dalagang pinakamamahal?
Natutong tumawag sa mga santo ang binata. “San Pablo, San Sebastian, San Lorenzo, San Juan... Santa Clara, Santa Rosa, Santa Rita...
“San Bernardo, San Simon, San Ignacio, San Martin de Porres... San Beda.” Napahinto sa huling nabanggit si Russell, duda kung isa ngang santo ang nakapangalan sa isang respetableng colegio sa Maynila.
Siya ay produkto ng isa pang institusyong iginagalang—ang Colegio de San Juan de Letran.
“Jesus, napakaignoy ko pala when it comes to saints! Nakakahiya!” naibulong ni Russell sa sarili.
Gayunma’y sinapit nila ni Avery ang ospital. Dinala agad sa emergency ang dalagang nasa bingit ng kamatayan.
Ang alam ni Avery, hinihigop siya ng nakasisilaw na liwanag mula sa Langit. Whusss. (Itutuloy)