Patay na ako, mahal (6)

SA LOOB ng musoleyo, galit na galit si Avery kay Russell. Hindi matanggap ng magandang dalaga na tatawagin siyang BANGEKNGEK ng makulit na lalaki.

Sa inis ay nasabunutan niya ang sarili. “Umm. Umm”.

Siya rin naman ang nasaktan. “Araayy!”

Napaigtad si Avery, natigilan. Takang-taka na naman. “Paanong nangyari na ako’y nasaktan sa pagsabunot ko sa buhok ko?

“Ang alam ko, dapat na akong hindi nakakaramdam ng sakit-- free from pain na ...”

Sa labas ng musoleyo, narinig ni Avery ang tunog ng palayong pares ng sapatos ni Russell, naunawaang paalis na ito.

Kahit konti ay nakahinga nang maluwag ang dalagang misteryosa; ayaw ngang may nag-uusyoso sa estado niya.

Nagbalik siya sa pag-iisip nang malalim. Dumarami ang hindi niya maipaliwanag sa sarili.

“Bukod sa sabi ng Russell na ‘yon na ako’y nakikita niya, ako’y nakakaramdam din ng gutom at uhaw.

“Naiinitan din ako kapag mainit ang panahon, nangingiki sa ginaw kapag taglamig...”

Walang katapusan ang reyalisasyon ni Avery. Parang tubig na dumadaloy, ayaw papigil.

“Kapag dinadalhan ako ng pagkain ni Tasing, hindi ko matiis na hindi kumain... at magana ako, I love to eat...”

Pero never niyang naramdaman na nakikita siya ng maid na si Tasing. Sa kanyang obserbasyon, nananatili siyang invisible kay Tasing.

Kung nagdadala man ito ng pagkain at iba pa niyang kailangan gaya ng damit, iyon ay pagsunod lamang sa utos ng kanyang tiyahin na si Tita Soledad.

Napalunok si Avery, merong bagong naisip tungkol sa lalaking makulit—si Russell.  “Bakit ang Russell na ‘yon, tulad ni Tita Soledad ko, ay nakikita ako?

“Pareho ba silang may taglay na sixth sense or 3rd eye?”

Napailing si Avery, napagod sa rami ng mga katanungang wala namang tiyak na sagot.

Nilapitan niya ang nakabukas na kabaong sa loob ng musoleyo.

Tahimik na siyang nahiga doon matapos maghikab. (Itutuloy)

Show comments