NABIGLA nang husto si Sophia sa paglitaw sa harap niya ng gorilyang suot-hari, nahulaan kung sino ito.
“Ikaw si... GARNUK?”
Tumango ang malaking gorilya. “Garnuk.”
“Oh my God! Oh God! K-kaharap na nga kita!”
Umiling ito, hindi maintindihan ang lengguwahe ni Sophia. “Bwirrissi cabulassuu!”
Ito naman ang hindi maintindihan ni Sophia. “W-we need an interpreter, Garnuk. Kuwan, isang nakakaintindi ng ating magkaibang lengguwahe.”
Ewan kung naunawaan siya ni Garnuk. Sa isang kumpas nito, lumitaw ang isa pang creature—maliit na gorilyang walang damit; napakakapal ng balahibo.
Napalunok si Sophia, para nang hihimatayin sa nakabibiglang takbo ng pangyayari. Daig pa ang nanood siya ng fantasy movies.
“Interpreter,” sabi kay Sophia ng maliit na gorilya, nakaturo sa sarili.
Nagsisisi nang lihim si Sophia na siya ay nag-iisa sa room nang lumitaw si Garnuk; nakaalis na si Almario na mister niya.
Nagpakatatag ang ginang. Hinarap ang interpreter. “Sabihin mo sa boss mong ‘to na dapat nang iuwi sa inyong uniberso si Tatiana!”
Mabilis ang interpreter, naipaliwanag agad kay Garnuk ang mensahe ni Sophia. “Minikiskis.”
Lihim na mangha si Sophia. Ang mahaba pala niyang sinabi ay katumbas lang ng isang salita sa lengguwahe nina Garnuk!
“Ano pa raw ang sasabihin mo sa aking boss?” tanong kay Sophia ng interpreter.
“Wala na.”
Sinabi nito kay Garnuk, kasama ang kumpas ng kamay. “Jiurassikoppikopupulolomasimexkepiaskimunnaypassiggrizaliskibumbumm.”
Mangha na naman si Sophia. Ang katumbas pala ng dalawang salitang sinabi niya ay napakahaba sa lengguwahe nina Garnuk!
“Ano bang usapan ito—parang comedy of error?”
SA ISANG isla sa Pasipiko napadpad si Tatiana.
Pero wala siyang ulirat; nakakain ng napakabagsik na lason sa pusod ng dagat. Naghihingalo na si Tatiana! (Abangan)