UMAATUNGAL sa sakit si Tatiana habang pinakukuluan-niluluto ng mga mangingisda, sa napakalaking kawa.
“Iyaaahh! Itigil n’yo ang pagluto sa akin! Malapit na akong maubusan ng pasensiyaaa! Pagsisisihan n’yo ang araw na kayo’y isinilang sa napakapangit n’yong mundooo!”
Nagkakandangiwi ang mukha ni Tatiana, tumatagos na sa katauhan ang init ng apoy at kumukulong tubig.
Bahagya nang natakot ang dalawang tagaluto.
Madaldal pala ang hayupak na babaing ‘to, Aryong. Parang manok na putak nang putak!”
“Pero napakaganda ng babaing ‘to, Momoy! Lahat ng kurba ng katawan—dibdib, ibaba ng puson—nakakapaglaway!”
Nagkatawanan ang dalawa, malisyosong-malisyoso. “Bwihik-hik-hikk! Ha-ha-ha-haaa!”
Nagbanta na si Tatiana, nagpipipiglas sa loob ng napakatibay na lambat. Nagpipilit makawala.
“Gagawin ko kayong mga sardinas! Magiging de-lata kayong sardinas na kakainin ng inyu-inyong kaanak, kapamilya at kapuso!”
Hindi malaman ng mga nagluluto kung matatakot o matatawa. Kayhirap isiping sila ay magiging sardinas.
“Pareng Momoy, ayokong-ayoko pa naman ng sardinas, mahilig ako sa corned beef.”
“At bakit parang taga-advertise ng mga istasyon ng telebisyon kung magsalita ang babaing ‘yan? Kaanak na, Kapuso pa at Kapamilya!”
Dinagdagan nila ng gatong ang niluluto. Pinalakas pa lalo ang ningas at lagablab ng apoy.
Lalong nagsisigaw si Tatiana. “Iyaaahh! Wala kayong awaaa!”
Nagawa ni Tatiana ang pagliligtas sa sarili; isinalba ang nahuhuling hibla ng hininga.
TSAG. Nalagot ni Tatiana ang lambat; umigkas nang pagkataas-taas ang buong katauhan sa ere.
Saka bumagsak sa lupa nang patayo, nagbabaga ang mata. (Itutuloy)