Ang babaing kinakain ang lahat (51)

KASAMA na ng ina si Tatiana pero nag-iwan pa ng mensahe sa binatang makaka-date. “Saktong 7-PM kita pipikapin sa grocery store mo, Giorgio!

“Maligo ka nang husto, suplada ako.

“And please, kailangan bagong laba ang iyong brief!”

Natawa sa bulgar na humor ng dalaga si Giorgio.  “Ha-ha-ha-haa!”

Si Sofia ang kinikilabutan sa mga sinasabi ng anak na alien. Pati ba naman brief ng binata ay dapat nitong isali sa usapan?

“Nawalan ka na ng sense of  propriety, anak,” diin ni Sofia nang mapag-isa na sila ni Tatiana.

“Mommy,  huli nga po sa panahon itong inyong daigdig.  Ako’y nabubuhay sa sarili naming time frame ng mga ka-planeta ko”.

Dumiin ang tinig ni Sofia. “Hindi kami papayag ng Daddy Almario mo na ikaw ay magwawala sa labas, Tatiana.

“Baka akala mo’y di ko alam ang gagawin mo kay Giorgio!”

Napaingos ang dalagang kinakain ang lahat. “Manghuhula ka na pala, ha, Mommy?

“Okay, tell me nga kung ano’ng gagawin ko kay Giorgio?”

“Hindi ko na kailangang sabihin, Tatiana.  Isi­pin ko lang ay bumabaligtad na ang sikmura ko!”

“Mommy, nag-e-enjoy lang po naman ako dito sa sinauna mong daigdig”. Matatag ang mga salag ng babaing alien.

“Isusumpa ka ni Dexter kapag nalamang sumasama ka sa ibang lalaki, Tatiana!  Handa kang pakasalan ng inaanak ko, for Christ’s sake”.

“Si Dexter ang true love ko, Mommy.  Pero hindi ibig sabihing siya lang ang lalaking makakapiling ko!”

Napailing na si Sofia, napaluha na naman. “Tatiana, tandaan mo—hindi lang ang babaing bigo sa pag-ibig ang matinding gumanti! Baka ka mapatay ni Dexter kapag nagkataon!” (Itutuloy)

Show comments