Iniwan na ng nobya

Dear Vanezza,

Isa po akong dating bilanggo. Ang problema ko po ay hindi ko matanggap na pati ang pinakamamahal kong babae ay nawala sa buhay ko dahil nakulong ako. Mahal na mahal ko siya. Plano na sana naming magpakasal noon kundi lang ako nasabit sa isang malaking pagsubok sa buhay. Nalayo sa pamilya at namaalam ang nobya. Mula ng ako’y makulong hindi na siya bumisita sa akin ni sumulat. Wala na siya at masakit na masakit pa ang loob ko hanggang ngayon dahil siya lang ang babaeng minahal ko. - Mr. X

Dear Mr. X,

Sa isang tapat na umibig, mahirap talaga ang paglimot sa isang babaeng minamahal. Pero sa kaso mo, mahirap din obligahin ang isang nobya na hintayin ka sa paglaya mo para kayo pa rin matapos pagdusahan ang sentensiya. Praktikal lang ang nobya mo at hindi niya nais na matali siya at ikaw man sa isang pangako na magmamahalan kayo hanggang wakas. Kung mahal mo ang isang tao, hindi mo nanaisin na magdusa rin siya sa isang kasalanang hindi naman niya kagagawan. Magpaka­tatag ka at magpakabuti nang sa gayon, paglabas mo sa kulungan ay makapagsimula kang muli. Makakatagpo ka rin ng babaeng tapat na magmamahal sa iyo at mamahalin mo.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments