PAREHONG masama ang iniisip sa isa’t isa nina Tatiana at Giorgio.
Si Tatiana alyas Bangs: “Wala akong ilalabi sa buong katawan mo’t ulo, Giorgio. Pati kuko mong patay, kakainin ko.”
SI Giorgio: “Para siyang manggang maniba lang, an’ sarap balatan saka isawsaw sa asin.”
SI Bangs: “ Hindi ka na magigising bukas, Giorgio, sa paraiso ng aking sikmura ka na magiging bahagi”.
SA ISANG bahagi ng opisina, nakabawi na ng hinahon si Sofia. “Iyan ang mensahera, Almario. Paanong naging buhay na manikin...?”
“Tiyak na merong kumulam diyan, Sofia.” At alam na ni Almario kung sino; ito rin ang taong kumain sa mga goldfish sa aquarium; walang pakialam ding umubos sa tubig ng aquarium.
Sino pa nga ba kundi si Tatiana, sa loob-loob ni Almario.
SA PORCH sa likuran ng office building, alam agad ni Tatiana ang problema sa maniking buhay.
Palihim siyang nagbigay ng magic words, pinalipad iyon sa mensaherang panget.
Napaigtad ang mensahera, nagbalik sa normal. Pero nalimutan na ang nasaksihang pagkain ni Tatiana sa goldfish.
Binura ng magic words ni Tatiana sa isip ng mensahera ang anumang nasaksihan nito sa aquarium.
“Alam mo bang para kang baliw na nag-pose bilang live mannequin, ha, Angge?” puna ng isang empleyada.
“Gano’n? Wala talaga akong matandaan, Nancy”.
NATAGPUAN ni Sofia sa halamanan sina Giorgio at Tatiana. Magkahawak-kamay ang dalawa, just like people in love.
“Hija, hinahanap ka na ni...ng Tito Almario mo,” suwebeng sabi ni Sofia sa anak na alien.
Binulungan ni Tatiana ang binata. Natawa si Giorgio. “Ha-ha-ha! Napakapilya mo”.
(Itutuloy)