Ipinagkasundo ng magulang

Dear Vanezza,

Bata pa lang po ako ay may crush na ako sa aking kababata. Pero may iba siyang gusto, kaklase namin na niligawan niya. Naging sila pero hindi nagtagal dahil lumuwas ng Maynila yung gf niya para doon mag-aral. Ang problema ko po, ang tatay ko at tatay ng kababata ko ay may usapan pala na ipakasal kami sa sandaling matapos na ng pag-aaral. Akala nila ay nanliligaw siya sa akin o kaya ay magkasintahan na kami. Pero sa kaibuturan ng puso ko, lihim kong idinadalangin na sana nga ay manligaw siya sa akin. Ngunit kung ako man ay may nararamdamang pagtingin sa aking kababata, hindi ko naman gustong mapilitan siyang manligaw o makipagkasundo sa akin dahil sa usapan ng aming magulang. Anong gagawin ko? - Aika

Dear Aika,

Moderno na ngayon ang ligawan at bihira na lang ang pagpapakasal sa pamamagitan ng kasunduan ng mga magulang. Hindi nga makatarungan para sa inyong dalawa na magpakasal dahil sa pambubuyo ng inyong magulang. Ipagtapat mo ito sa iyong ama para makaiwas siya sa kahihiyan bago pa ang kababata mo mismo ang gumawa ng hakbang para makaiwas sa pambubuyo naman ng kanyang ama. Bagaman type mo siya, hindi mo naman nanaisin na magkaroon ng isang asawa na walang pagtingin sa iyo o napilitan lang dahil sa salita ng isang ama. Kung ayaw magsalita ng kababata mo, ikaw na ang magkusang makipag-usap sa kanya hinggil sa usapang ito ng inyong mga ama.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments