Tama ba ang ‘sperm count’ mo? (1)

Hindi maikakaila na maraming mag-asawa ngayon ang hindi magkaroon ng anak. Minsan, isa sa kanila ang mayroon pa lang diperensiya. Kung babae, dapat ay mayroong sapat na dami ng hormones/egg cell para magkaroon ng kapasidad magbuntis. Kung sa lalaki naman, dapat ay normal ang bilang ng iyong sperm cells. Maraming mga sabi-sabi kung paano magkakaroon ng normal na bilang ng sperm cells. May ilang matatanda na nagsasabing hindi dapat nagsusuot ng masyadong masikip na pantalon; hindi naman inilalagay ang lap top sa iyong hita ng matagal na oras dahil sa umano’y radiation na taglay nito at kung anu-ano pa. Pero, hindi natin alam na may kinalaman din sa pagkain na iyong inilalagay sa katawan ang  pagkakaroon ng malusog na sperm count. Ayon kay Dr. Ryan Terlecki, director ng Men’s Health Clinic, Wake Forest University-Department of Urology, maraming lalaki ang hindi nakakaalam na may kinalaman sa kanilang diet ang pagkakaroon ng tamang sperm count. Narito ang ilang pagkain at inumin na dapat iwasan ni kuya:

Processed meats – Bahagi na ng buhay ng tao ang pagkain ng karne, pero, kung maling uri nito ang iyong nakain, maaaring makumpromiso ang iyong sperm. Sa pag-aaral ng ilang eksperto sa Harvard lumalabas na ang mga lalaking kumakain ng maraming uri ng processed meats gaya ng hamburgers, hot dogs, salami, bologna at bacon ay 23%  na mas mababa ang sperm count kumpara sa mga lalaking bihirang kumain nito. Maaari raw na nakakakuha ng mapaminsalang residues ang mga ganitong uri ng karne habang dumadaan sa proseso. Kaya sa halip na processed meat ang kainin ay  palitan na lang ito ng isda dahil mas nakakapagpasigla at nakakapagpadagdag ito ng sperm cells, lalo na ang mga isdang gaya ng salmon o tuna dahil mas mataas ang omega-3 fatty acids ng mga ito.

Show comments