Sinong maysabi na tanging mga kababaihan lang ang nangangailangan na magpanatili ng kanyang itsura? Siyempre kailangan din ng “maintenance” ng mga kalalakihan upang mapanatiling presentable ang kanilang itsura sa mata ng publiko. Lalo na kung mayroon ka naman maayos na trabaho at kapaligiran na iyong kinabibilangan. Kaya naman narito ang ilang tips para kina kuya:
Laging inspeksiyunin ang paa – Makikita mo ang kalinisan ng isang tao sa kanyang mga paa. Kung ang mga babae ay palaging nagpapa-pedicure, dapat ganun din ang mga lalaki, hindi man magpalagay ng makukulay na cutix sa paa, ang pagpapanatili ng malinis na balat at kuko ng paa ay malaking bagay na para maging presentable kahit pa hindi nakasuot ang sapatos.
Ang kilay – Hindi lang mga babae ang dapat na nag-aayos ng kilay, laging alalahanin na dalawa ang iyong kilay at hindi ito dapat na magmukhang isang mahabang linya lang sa itaas ng mga mata. Kaya naimbento ang tweezers o tiyani, ay para bunutin ang mga sobrang buhok na tumutubo sa katawan. Huwag hayaan kumapal ang iyong mga kilay at magsagpong na ang mga ito sa gitna ng iyong noon upang hindi magmukhang halimaw.
Gumamit ng facial wash – Maraming lalaki na kontento ng gumagamit ng sabon sa kanilang mukha. Bakit hindi mo subukan na gumamit ng facial wash na may sangkap ng caffeine. Nagbibigay kasi ito ng proteksiyon sa iyong balat mula sa mapanganib na UV rays. Nakakatulong din ang caffeine sa maayos na daloy ng dugo kaya naman mas magiging healthy ang iyong balat.
Gupitin ang mga pasaway na buhok – Palaging tumingin sa salamin, silipin ang ilong at dapat na agad gupitin ang mga buhok na lumalabas dito. Madumi kasing tingnan ang isang taong may nakalabas na buhok sa kanyang ilong.