“WALANG babalang biglang kinain ni Tatiana ang Holy Bible mula sa munting altar nina Sofia at Almario.
Hindi napigil ni Sofia ang wala sa lugar na katakawan ng babaing anak ng taga-ibang universe.
Chomp-chomp-chomp. Ngalot-ngalot.
Siyempre pa, supertindi ng kilabot ng mag-asawang Almario at Sofia.
Sa pananaw nila, hindi na gawa ng monster woman ang paglapastangan sa Holy Bible; likha na ng devil!
Para na namang aatakihin sa puso si Sofia.
Si Almario ay napasigaw sa tindi ng galit sa anak ni Sofia. “Aaaaahh!”
Walang pakialam si Tatiana. Inubos nito ang Banal na Bibliya.
Burrpp.Minsan pang dumighay, nabusog sa napakakapal na libro.
Naulit na naman ang mga nakaraang scenario.
Nagsisi na naman nang taos sa puso ang dalagang kumakain ng lahat.
“Para kang Pacwoman! Pero ikaw ay napakasamang Pacwoman!” sigaw ni Almario, kinalimutan na ang takot sa anak ng taga-ibang planeta. “Ngisss!” parang singasing ng ulupong na sabi ni Tatiana sa ama-amahan; gusto na yata itong gutayin ng matatalim na ngipin at pangil. Pero handa na sa pagkakataong ito si Almario. Inumangan nito nga baril si Tatiana—sa gitna ng noo! “Almario, huwag... maawa ka sa anak ko...” Parang walang narinig ang ama ng tahanan. “Hindi ako naniniwalang wala kang kamatayan, Tatiana! Isang bala ka lang!”
Si Tatiana ay natitigilan; napakarami nitong alam na karunungan, pero nakaligtaang alamin ang mortalidad; kung mamamatay kapag tinamaan ng bala o anumang sandatang nakamamatay.
“Tatay Almario... bigyan mo ako ng parehas na laban. Huwag ganitong ako’y dehado...”
“Talikod! Taas ang kamay! Dumikit ka sa concrete wall!” utos ni Almario. Punumpuno na ang ama-amahan.
“Mommy, papayag ka bang patayin ako ng mister mo?’ luhaang tanong ni Tatiana. “Nasaan ang ipinagmamalaki mong pagmamahal sa akin?”
PUG. Biglang hinampas ni Sofia ng pigurin sa ulo si Almario. Nawalan ng malay-tao ito, nabitiwan ang baril. Yumakap sa ina si Tatiana, nagpapasalamat. “I love you po, Mommy...”
“Tulungan mo akong buhatin sa kama ang mister ko”. (Itutuloy)