Dear Vanezza,
Tawagin n’yo na lang po akong AB. Problema ko po ang babaeng lihim kong minamahal, si CD. Magkaklase kami mula elementary. High school ng maging kaklase naman si EF, na bf niya. Nasasaktan ako sa tuwing lumalabas kaming tatlo kaya hindi na ako nagsasasama sa kanila. Nauna po kaming naging malapit bilang magkaibigan ni CD. Sa akin niya ipinagtapat ang mga problema niya at ako rin ang pnagkakatiwalaan ng mga magulang niya sa kanya. Kaya nag-alangan akong manligaw tuloy napag-iwanan ako ni EF. Kinakantiyawan nga ako ng aking kuya dahil guwardyado-sarado ko raw si CD pero naunahan pa ako. Sinabi rin niya na bakit hindi ko raw ipinagtapat ang damdamin ko at tingnan kung anong mangyayari. Nag-dalawang isip naman po ako dahil ayaw kong maging dahilan ako ng kanilang pagkasira. Tama ba na sarilinin ko na lang ang pag-ibig ko at ibaling na sa iba ang aking pagtingin? Sadya pong naduduwag ako kapag si CD na ang sangkot sa isyu.
Dear AB,
Kapwa mo sila kaibigan kaya ayaw mong makapanakit ng kanilang kalooban. Mabuti ang ganyang prinsipyo. Dahil kung ipag-aadya na kayo ni CD ang maging para sa isa’t isa ay magkakahiwalay sila ni EF at pagtatagpuin kayo ng pagkakataon. Sakaling magkahiwalay sila, saka mo ipagtapat ang iyong damdamin, nang sa gayon ay hindi ka malagay sa alanganin. Sa ngayon, ang pinakamabuti ay manatili ka bilang kaibigan para sa kanilang dalawa. Kung hindi man si CD ang makatuluyan mo, natitiyak ko na may babae na nakatakdang tumbasan ang pagtingin na iuukol mo.
Sumasaiyo,
Vanezza