“ANO BA’NG pinagsasabi mo, Almario? Bakit ka kakainin ni Tatiana?” magkasunod na tanong ni Sofia sa mister; putlang-putla ito.
“Sofia, dinuro ako at pinanlisikan ng mata ng batang ‘yan, maniwala ka!”
Napailing ang ginang. “Ewan ko kung ikaw e nag-iilusyon, siguro’y imahinasyon mo lang. Ang nais makita ay nagagawa ng imagination, Almario.”
“Hindi ako gano’n, Sofia. Ang nakita ko’y nakita ko talaga.” Pinapawisan nang malapot si Almario.
“Whatever. Anyway, bukas na bukas nga ay pabibinyagan natin si Tatiana. Ang anumang pagka-monster niya ay mawawala sa bisa ng binyag.”
Dahil simpleng araw, ang binyag ay espesyal—hindi kasabay sa Sunday baptism. At dahil walang kasamang ninong at ninang, ang dalawang katulong ni Father Melvin ang tumayong sponsors.
Isinagawa ang banal na seremonya. Binuhusan ng holy water sa ulo si Tatiana. “I now bless you in the name of The Father, The Son and The Holy Spirit...”
“Amen,” sagot ng lahat.
Pero sa kabuuan ng seremonya, si Almario ay hindi talaga dumikit sa bata. Matinding takot ang nagmarka sa katauhan ng ama-amahan ni Tatiana.
Labis namang nakukyutan kay Tatiana ang dalawang lalaking katulong ni Father Melvin, panay ang himas sa mukha ng bagong binyag.
Saglit na napalingat ang lahat nang biglang mag-brown out; dumilim sa loob ng simbahan.
Nang magbalik ang ilaw, saka nagulat ang isang katulong ng pari.
Kasi’y nagkabutas-butas, gulagulanit ang pang-itaas na suot nito!
“Aaahhh! Father Melvin, tingnan n’yo ho ang nangyari sa damit ko!”
Takang-taka ang lahat puwera lang sina Almario at Sofia, nanatiling tahimik.
Manghang-mangha ang butihing pari. “Aba’y napaano ‘yan, Bestre? Baka nasobrahan mo ng babad sa kloroks?”
“Naku, hindi po! Sabong panlaba lang ho ang gamit ko!” salag ni Bestre.
Hanggang sa makaalis na sina Sofia, Almario at Tatiana sa simbahan, hindi nalaman ng pari at mga katulong ang sanhi ng hiwaga.
Alam na alam naman nina Almario at Sofia ang dahilan.
Si Tatiana. Ito ang ngumatngat sa suot ni Bestre! (Itutuloy)