HANDA nang idikdik ni Almario ang katotohanan ng pagkatao ni Tatiana.
“Dapat mo na ngang tanggapin, Sofia, na ikaw ay nagbuntis nang napakabilis! Na sa loob lang ng dalawang oras na pagdadalantao ay nanganak ka na! Hindi ka nagdalantao nang siyam na buwan!” napakahabang argumento ni Almario.
“Pinapanigan mo ang paniwala ng co-teachers ko, na si Tatiana ang kumain sa bags nila?” gigil na tanong ni Sofia.
Napailing-napabuntunghininga ang padre de pamilya. “Hindi pa naman, wala pa akong solid evidence, Sofia”.
“Na-magic ng ewan kung sino ang mga handbags ng mga kapwa ko guro, Almario! Who knows baka napasok tayo ni David Blane? Narito ang magician na ‘yon recently!”
Nasapo ni Almario ang noo. “Oh my God, pati ba naman si David Blane ay paghihinalaan mo?”
Hindi umiimik si Sofia, nakabusangol ang mukha.
Mayamaya’y umimik na rin, galit. “Basta wala kang solid evidence, huwag na huwag mong pagbibintangan ang anak natin!”
“Hindi ko anak si Tatiana! Anak ‘yan ng alien sa Flying Saucer!” sa loob-loob ni Almario, hindi pa rin masabi sa asawa ang pagtutol.
“Nakita mo na ba ang ngipin at pangil ni Tatiana, ha, Sofia?”
“Nag-iilusyon ka ba, Almario? Napakabata pa ni Tatiana para tubuan man lang ng ngipin!”
Nagpakahinahon si Almario. Nilapitan ang batang nakatayo sa crib.
“Nganga, Tatiana,” utos ni Almario sa napakalaking baby.
Nakaintindi ang bata, ibinuka ang bibig—ipinakita sa mag-asawa.
Nayanig sa nakita si Sofia. Napaigtad, napasigaw. “Aaahhh!”
Napaupo, tutop ang dibdib, habol ang paghinga. “Kaah-kaah!”
Naalarma si Almario, nanaig ang pagmamahal sa asawa. “Huwag kang aatakihin sa puso! Bawal kang mamatay ngayon, Sofia! Hindi ko mapapatawad si Tatiana kapag natuluyan ka!”
Nahimasmasan naman si Sofia. Yumakap kay Almario.
Biglang nginalot ni Tatiana ang isang poste, ng crib. Ngalot. Ngasab.
Nangilabot ang mag-asawa. Namutla.
(Itutuloy)