PARA ngang nginatngat ng mga piranha ang expensive bags ng mga co-teachers ni Sofia. Ilang minuto pa lang ang nakalilipas, isinabit nila iyon sa apat na corner ng crib ni Tatiana—ang baby na 2-day old pa lang pero para nang 3-year old sa laki.
“Naku, Sofia, meron bang malalaking daga dito sa bahay mo na galit sa mga bags namin? Alam ba ng mga dagang ‘yon na kinuha lang namin ‘yon nang hulugan sa Bumbay?” Hindi mapigil ang pag-atungal ng co-teacher na bading. “Waaahh!”
Ang iba pang co-teachers ni Sofia na nangatngatan ng bags ay hindi rin matanggap ang nangyari.
“Hindi lang bag, Sofia, pati mga laman ng bag ko ay inubos!” reklamo ng isa pang co-teacher.
Nagpakahinahon naman si Sofia. “Teka, teka! Hindi ko alam kung paano nangyari ito sa inyong mga bags! Pero handa akong magbayad agad ng katumbas ng mga na-damage sa inyo!”
Napatingin kay Sofia ang mga co-teachers, duda sa sinabi niya.
“Kaya kong magbayad bukas na bukas din,” sabi ni Sofia. “Banker si Almario ko, marami kaming ipon sa bangko.”
Natahimik ang mga kapwa-guro ni Sofia. Kahit paano ay may kredibilidad ang kanilang head-teacher. Hindi ito sisira sa pangako, alam nila.
May dignidad naman ang mga guro, hindi nagpasobra ng presyo; kung magkano ang value ng mga nasirang bags ay hindi na nagpasobra.
Mayamaya pa ay nagpaalam na kay Tatiana ang mga kapwa-guro. Alam na mababayaran ng salapi ang mga bags na napinsala.
“Tatiana, baby, paalam. Pero hindi ka talaga puwedeng maging baby ni Sofia, promise!” ulit ng bading na guro.
“Kanino kang anak, ha, Tatiana? Nasaan ang real baby ni Sofia?” tanong ng isa pang co-teacher. (ITUTULOY)