Niloko ni Misis

Dear Vanezza,

Ako si Ken, 35 years old at isang security guard. Ang problema ko ay tungkol sa misis ko. Napangasawa ko siya 19 years old lang siya. May isa kaming anak. Mahal na mahal ko siya. Pero 5 taon na ang nakakaraan ng maghiwalay kami. Mas mabuti na kami’y naghiwalay kaysa mapatay ko siya. Minsan kasing umuwi ako ng bahay isang madaling araw ay inabutan ko siya at kanyang kalaguyo na nagsisiping sa mismong kama naming mag-asawa. Nagdilim ang paningin ko at muntik ko silang mabaril. Pero nanaig ang aking takot sa Diyos. Pinalayas ko na lang ang asawa ko. Balita ko’y tuluyan na siyang nakisama sa lalaki niya. Pero nito lang Abril ay umuwi siya ng bahay. Umiiyak at nakikiusap na tanggapin ko siyang muli at magbabago na raw siya. Mahal ko pa rin siya pero dapat ko ba siyang patawarin at tanggapin muli?

Dear Ken,

Tama na hindi mo inilagay ang batas sa iyong mga kamay. Ipagpasa Dios mo na lamang ang kanilang ginawang kataksilan. Wala ring masama kung patatawarin mo siya. Tayong lahat ay tao lamang na nagkakasala. Pero bago tayo mapatawad ng Diyos ay dapat tayong matutong magpatawad sa ating kapwa. Kung totoong nagbago na siya, bakit hindi mo siya bigyan ng isa pang pagkakataon. Ikaw na rin ang may sabing mahal mo pa rin siya. Sundin mo kung ano sa palagay mo ang makabubuti at makagagaan ng iyong kalooban.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments