Naghahanap ng ikalawang pag-ibig

Dear Vanezza,

Ako po’y isang biyudo. May 11 years na rin mula ng sumakabilang buhay ang aking misis. May tatlo kaming anak na pawang may kanya-kanya ng pamilya. Ang aking anak na bunso at pamilya niya ang nakapisan sa akin dahil wala akong kasama sa bahay. Mayroon akong trabaho, pero mula ng pumanaw ang aking asawa ay naging malungkutin ako at napabayaan ko ang aking trabaho. Madalas na napapainom at madaling araw na ako nauwi kaya madalas na hindi ako nakakapasok sa trabaho. Pinayuhan ako ng aking mga anak pati mga kaanak at kaibigan na bakit hindi ko raw subukang humanap ng babaeng mamahalin at kakasamahin sa aking pagtanda para maging normal uli ang aking buhay. “Life must go on” sabi nila. Minsan ko na ring inisip ‘yan kaya lang ay baka tumutol ang aking mga anak. - Maryo

Dear Maryo,

Tama ang mga anak mo’t mga kaanak. Huwag mong ikulong sa nakaraan ang buhay mo. Ang pakikipagkaibigan sa mga babae ay isa lang paraan para malimutan mo ang malungkot na pagkamatay ng iyong asawa. Humanap ka ng babaeng makakasundo mo at makakasundo rin ng iyong mga anak. Hindi pa katapusan ng mundo ang maging isang balo. Karapatan mong lumigaya pa rin at hindi mabuhay lamang sa paggunita sa nakaraan. Tutal sang-ayon naman ang iyong mga anak kaya wala ka ng dapat ipag-alala pa. Sana’y matagpuan mo rin ang panibagong kaligayahan.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments