Aruga ng magulang kailangan ng mga anak

Dear Vanezza,

Kapwa nagtatrabaho kaming mag-asawa sa abroad. Matagal naming hinintay ang pagkakataong ito kaya masasabi kong answered prayer ang pagkakatanggap namin sa trabaho. Ang problema po ay hindi makasundo ng mga anak ko ang hipag ko at gusto na lang nilang umuwi sa probinsiya para doon magpatuloy ng pag-aaral. Nakikitira po sa amin ang aking pinsan at pamilya niya na pinakisuyuan namin na tumingin sa aming mga anak. Ayaw naman pong umuwi ng aking asawa dahil nanghihinayang sa pagkakataon, pero parang dinudurog ang puso namin tuwing nakaka-chat namin sila na nagsusumbong. Wala naman po problema sa mga biyenan ko kung mamamalagi doon ang mga bata dahil mababait naman sila. Tulungan nyo po kami na makapagdesisyon. - Nairam

Dear Nairam,

Hanggat maaari ay mas maganda kung hindi magkakahiwalay ang pamilya. Pero may mga pagkakataon na kailangang magsakripisyo kapalit ng magandang future ng pamilya. Okay sana iyan kaso may mga kaakibat na problema gaya nang dinaranas ninyong mag-asawa na parehong nasa abroad. Iba ang personal loving care ng tunay na magulang. Kung balak umuwi na lang ng probinsiya ng anak mo, well and good, pero sa tingin mo kaya’y mapapabuti sila doon? Ikaw lang ang nakakaalam niyan dahil tanging ikaw lang ang nakakakilala sa mga kamag-anak mo. Mabuti rin siguro na bilang ina, ikaw muna ang umuwi para personal mo silang maihatid sa probinsiya at maihabilin sa iyong mga biyenan. Matapos mong masiguro na nasa maayos na silang kalagayan ay saka ka muling bumalik abroad. Nang sa gayon ay mapapanatag din ang inyong isip at hindi nag-aalala.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments