The ghost of ‘padre tililing’(42)

TATLONG beses inundayan ng saksak ni Simon ang nasa kama. Saka nagsisigaw, umiiyak. “Taksil ka, Miranda! Taksil kaaaa!”

Nagising si Miranda, kinikilabutan. Wasak ang katabi niyang unan.

Napatakbo rin sa kanila si Myrna at ang ina. Naabutang hawak ni Simon ang sandatang napakatalim.

TSAK. Ipinukol ni Simon sa haliging kahoy ang karit. Bumaon iyon.

 Hindi makapaniwala si Miranda.”Papatayin mo sana ako, ha, Simon? Dahil ‘kamo nagtataksil ako?”

Maging ang mag-ina ay labis na naguguluhan. Muntik na palang magkaroon ng patayan sa kanilang tahimik na tahanan?

  “Kailan ako nagtaksil sa iyo, Simon?” luhaang tanong ni Miranda, masamang masama ang loob sa mister.

 Bumalatay ang galit sa mukha ni Simon. “Narinig kita habang natutulog ka, Miranda! Sinabi mong si Tililing ang tunay mong mahal! Nais mong magpaangkin sa kanya!”

Napantastikuhan si Miranda, gayundin si Myrna at ang ina.

 “Muntik mo akong patayin, Simon...dahil sa panaginip?”

“Lumilitaw sa panaginip ang tunay na damdamin ng isang tao, Miranda!” giit ni Simon.  “Para ring kriminal na nahuhuli sa sariling bibig!”

PAK-PAK-PAKK.  Tatlong ulit siyang sinampal ni Miranda. Luhaang galit na galit ang misis sa makitid na pananaw niya.

“Tamaan ako ng kidlat ngayundin kung nagtaksil ako sa iyo, Simon!” sigaw ni Miranda.

Ang biyenan niya at hipag ay napapailing, nahihiya sa inasal ni Simon.

Kailanman ay hindi matatag na basihan ng katotohanan ang panaginip.

Sapo ni Simon ang pisnging nasampal. Litung-lito siya.

Nagbalot na ng daladalahin si Miranda. Tahimik na lumuluha.

 Ang nanay at kapatid ni Simon ay naninisi sa kadugo.

 “Nabaliw ka na ba, anak?” (ITUTULOY)

 

Show comments