Dear Vanezza,
Nalaman ko na may kinasama pala sa abroad ang misis ko. Nakumpirma ko ito sa naging kasamahan niya. Nagipit lang daw s’ya dahil hindi pinapasahod ng amo niya kaya kumapit siya sa patalim. Humingi na siya ng tawad tungkol dito pero bilang lalaki ay napakasakit po talagang tanggapin kundi lang sa aming mga anak. Bagaman matagal-tagal na rin itong nangyari ay nananariwa pa rin sa akin ang sakit ng kalooban. Hindi ko rin maalis na magduda sa tuwing aalis siya, na maaaring may iba na naman siyang kakatagpuin o karelasyon. Kung tutuusin puwede ko ring gawin sa kanya ang ginawa niya sa akin para lang makaganti. Pero hindi ko po kaya dahil mahal ko ang aking asawa. Sa ngayon po ay andito na siya sa Pilipinas at nagbabakasakaling makahanap ng trabaho. Ano pong dapat kong gawin para malimutan ang pangangaliwa niya sa akin. - Pol
Dear Pol,
Hindi puwedeng ituwid ng isang pagkakamali ng isa pang mali. Kung seryosong humihingi ng tawad sa iyo ang misis mo, patawarin mo siya dahil ang pagpapatawad ay isang dakilang bagay na magagawa ng taong may pananalig sa Diyos. Inamin naman niyang nagawa lang niya ‘yun dahil nasa gipit siyang kalagayan. Humanap siya ng taong makatutulong sa kanya habang walang ibang sasaklolo sa kanya sa isang malayong lugar. Magsimula kayong muli. Pakawalan mo na ang iyong galit para makapamuhay na kayo ng matiwasay. Ang desisyon nyang huwag ng bumalik sa abroad ay tanda ng kanyang taos pusong pagsisisi.
Sumasaiyo,
Vanezza