Isa sa mga kinatatakutang sakit ngayon ay ang diabetes. Noon, nakukuha ito kung mayroong history ng ganitong sakit ang inyong pamilya, kumbaga, nasa lahi. Ngayon, kinatatakutan ito dahil napakadali na nitong makuha sa pagkain, bisyo o di kaya ay sa iyong lifestyle. Napakahirap para sa isang diabetic kung paano nila mapapanatiling balanse ang kanilang sugar, hindi kasi ito maaaring bumaba o tumaas sa normal na lebel nito. Minsan, kahit meryenda lang ang gusto mong kainin, nahihirapan ka pa mag-isip dahil susuriin mo muna kung makakaapekto ito sa iyong sakit.
Gayunman, isa ang beans sa mahusay na pagkain para sa mga diabetic. Ito ay dahil sa mataas na “pectin” nito. Ang pectin at fiber na taglay nito ay tumutulong sa cells ng katawan para agad na makakuha ng insulin at maibalanse ang sugar sa iyong dugo. Bukod dito, inaalis ng pectin ang sobrang glucose sa iyong dugo kaya mabilis na nakakapagtrabaho ang iyong cells na ihalo ang insulin sa iyong dugo.
Mataas din ang soluble fiber ng beans kaya naman napipigil nito ang mabilis na pagkatunaw ng carbohydrates sa iyong tiyan kaya hindi agad humahalo ito sa iyong dugo at napipigilan ang hindi inaasahang pagbabago ng sugar level sa iyong katawan. Tumutulong din ang bean bilang tinatawag na “resistant starch” sa mabilis na pagtunaw ng fats sa iyong katawan. Importante ito lalo na kung kinakailangan mong magpababa ng timbang. Sa pag-aaral sa Australia, nadiskubre dito na kung ang iyong pagkain ay nagtataglay ng 5% resistant starch gaya ng beans, mabilis na natutunaw ang fats sa iyong katawan ng 23% sa loob ng 24 oras.
Ang beans ay kasama sa legume family gaya ng stringbeans, split peas at red beans. Ang black beans at red kidney beans ay isa sa mga nangunguna sa listahan ng dietary fiber at resitant starch.