HINDI matanggap ni Miranda ang nangyari. “Sampung milyong piso agad ang nawala sa yaman ko, Antonya! Hu-hu-hu! Ha-ha-haa!”
Kraassh. Pliinnk. Nagbasag ng mga gamit ang smuggling queen. Kaytagal din bago napayapa nina Antonya at mga tauhan. Sa utos na rin ni Miranda, mapayapang ibinalik sa fishing village si Mang Goryo. Litung-lito ang matanda, alam na naghisterikal ang smuggling queen. NAG-IISIP ng dapat gawin si Miranda. Mag-isa siyang nag-aalmusal sa porch, nakatanaw sa dagat.
Nakalimang pandesal na siya, nakatatlong tasa ng kape. Ang egg omelette ay halos ubos na. “Antonya! Halika!”
Lagi namang alerto ang amiga-alalay. “Bakit, Miranda?”
“Minulto tayo ni Tililing sa halos iisang lugar, tama?”
Tumango si Antonya. “Oo, Miranda—sa tabing-dagat.”
“At ang ulul na si Tililing ay nakalibing sa teritoryo natin, Antonya. Tama ba?” saktong tanong ni Miranda. “Tama ka uli, Miranda.”
Nagliwanag ang mukha ng smuggling queen. Ibinulong agad kay Antonya ang dapat gawin.
Nang araw ding iyon ay isinagawa ang pangontra kay ‘Padre Tililing’. Gumastos nang husto si Miranda. Bago lumubog ang araw, nailibing na sa isang malayong bayan ang labi ni ‘Padre Tililing’. “Doon niya multuhin ang mga corrupt officials! Ha-ha-haa!” Hindi naitago ni Miranda ang labis na galak. Pero sa likod ng isipan ng mag-amiga, naroon ang takot—kung tuluyan na ngang nakontrol nila si Tililing. NANG gabing iyon ay nag-casino sina Miranda at Antonya. Magpapakasaya sila sa lunsod; kalilimutan muna ang problema.
Bumaha ang alak at pagkain. Nag-enjoy sila nang todo.
Sa 5-star hotel sila natulog at naglagi sa maghapon. Sa sumunod na araw na sila nagbalik sa fishing village. Handa sila sakaling babalik doon si ‘Padre Tililing’. (ITUTULOY)