The ghost of ‘padre tililing’(15)

TAKANG-TAKA si Miranda sa sinabi ni Antonya.

“Nagpunta akong mag-isa sa fishing village nang walang dalang sandata, para dumamay? Meaning namudmod ako ng pera, Antonya?”

“Aba, ewan? Masyado kang misteryosa kagabi. Nagrosaryo ka, super-banal ang anyo...kinilabutan ako.”

“M-May dala ba akong malaking bag...?”

Tumango ang amiga. “Meron nga, Miranda, ‘yung nilalagyan mo ng pera kapag nagka-casino tayo.

“Sa kalituhan ko nga e naglasing ako. Nagising na lang akong pinagagalitan mo, sinampal mo, galit ka na nakatulog ka sa porch.” Mahaba ang depensa-paliwanag ni Antonya.

Bumalatay ang galit sa mukha ng smuggling queen. “May kung anong impakto na gumago sa akin kagabi! Hindi ako nagrorosaryo, lalong hindi gagang pupunta sa fishing village nang mag-isa para dumamay!”

Napalunok si Antonya. “Iyan din ang naisip ko—may sumanib sa iyo kagabi, Miranda. Ginawa kang mabait sa mga taong gutom at kapos.”

Nag-utos agad si Miranda. “Tara ngayundin sa fishing village, Antonya. Mag-iimbestiga ako.”

Dala ang matataas na kalibreng sandata, sumugod nga sa fishing village ang smuggling queen at ang amiga-alalay.

Bruuummm.

Pero bago narating ang pakay, nagpreno ng sasakyan si Miranda, biglaan.

SKRIIITTSS.

Nauntog sa gilid ng car door, halos natumba si Antonya. Lihim itong  galit na galit sa pagbaba­rumbado ni Miranda.

“Bukol! Nabukulan lang naman ako!” Isinatinig ni Antonya ang ngitngit.

Iba ang sabi ni Miranda habang nakatanaw sa kahabaan ng aplaya. Sikat na sikat na ang araw; buhay na buhay ang tanaw nang fishing village.

“Naalala ko na, Antonya, ang nangyari sa akin!”

Nakikinig ang amiga-alalay.

“Biglang humarang sa vision ko, sa binoculars, ang taong sumakop sa pagkatao ko! Ang mortal kong kaaway—si Tililing!” (ITUTULOY)

 

Show comments