Isang milyong pisong kilabot (19)

NANGANGARAP na ng tagumpay sina Paula at Socrates. Sa loob daw ng kalahating oras ay matatalo na nila ang mga multo sa asylum. Hindi na talaga patatakot sa anumang horryfying ghost ang mag-asawa, matatagalan ang nalalabi pang mga sandali para makumpleto ang 24 oras.

Kaya naman handa ang dalawa na labanan ang takot at kilabot. Ang mahalaga lamang ay manalo sila ng Isang Milyong Piso sa contest na inisponsor ng wirdong  milyonaryo.

“Ano nga uli ang pangalan nuon, Paula?” tanong ni Socrates

“Emil Caluycoy. Dating construction worker na yumaman sa ibang bansa.”

“At ano pa, Paula?”

Tinantiya ni Paula ang mister. “Socrates, nga­yong halos sigurado na ang ating panalo ng Isang Mil­yon, dapat mong malaman ang mahalay na motibo ni Emil Caluycoy.” “Ano’ng ibig mong sabihin?”

“May indecent proposal siya sa akin. Socrates. Kapag daw natalo tayo ng mga multo, bukod sa talo tayo ng Isang Milyon, makukuha lang natin ang consolation prize na 50 thousand kung ako’y magiging kanya ng 24 hours.”

Galit na galit si Socrates. “Baliw pala yon, e! An’dami-daming dalaga, ikaw pa ang kinukursunada!” “Oo nga,e. ‘Yan din ang sabi ko sa taong yon.”

“Huwag mong sabihing pumayag ka sa proposal niya?”

Napabuntunghininga lang si Paula. “Actually pumayag ako, para lang matuloy ang One-Million Peso challenge. Alam ko namang hindi tayo papayag na talunin ng multo.”

“Sabagay, ilang minuto na nga lang at atin na ang Isang Milyon ni Caluycoy,” pag-ayon ni Socrates. “Isa pa, hindi ako papayag na angkinin ka niya, Paula.”

SA KINAROROONAN ni Emil kakalabitin na ng mil­yonaryo ang baril na may silencer.  Pero biglang may pumigil sa kanya. Iniharap nito kay Emil ang baril na hawak. “Aaa.. Aaa,” tanging nasambit ni Caluycoy.

(ITUTULOY)

 

 

                 

Show comments