Isang milyong pisong kilabot (11)

“NAKATATLONG oras na tayo rito sa nasunog na asylum, palagay ko talaga, Paula, walang multo. Kung meron e di sana kanina pa?”

“Mabuti na lang, Socrates, protektado tayo ng kontrata. Hindi na nila puwede bawiin ang Isang Mil­yong Pisong premyo. Meron man o walang multo tayong maengkuwentro, sigurado ang cash prize.”

Nag-uusap ang mag-asawa habang kumakain ng hapunan, sa loob ng napakadi­lim at napakaruming building.

Biglang nawala ang ngiti ni Socrates. “Naalala ko, ikaw ang kinausap ng wirdong may-ari, Paula.  Hindi pa rin ba humarap sa iyo?”

“Kuwan, nalimutan ko lang sabihin, Socrates—nagpakita na siya ng mukha. At nagpakilala na rin. Siya raw si Emil Caluycoy.”

Naintriga si Socrates. “Bakit daw de-patalikud-patalikod pa sa atin? Ano ba raw ang gimik niya?”

Nananantiya ang mga sagot ni Paula. Hindi lahat ay sinasabi, alam na super-seloso si Socrates.

“Wala namang gimik, mahal,” sagot ni Paula. “Kuwan, nagbibigay daw sa kanya ng kasiyahan ang mga bagay na kakaiba—gaya ng One-Million Peso contest na ‘to na multo ang kalaban natin…”

“Gusto niyang makita kung paano tayo matatakot, gano’n?”

Tumango si Paula. “Bale gano’n na nga, Socrates. Kanya-kanya ng kaligayahan ang tao, e.”

Nag-iisip si Socrates. “Dapat pala, huwag ta­yong matakot. Para mabigo ang Caluycoy na ‘yon.  Tiyak na may hidden camera rito, mino-monitor tayo.”

Bumulong si Paula. “At huwag nating lakasan ang usapan, lalo na kung tungkol kay Emil Caluycoy. Baka marinig tayo nu’ng supervisor.”

Bumulong din si Socrates. “Guwapo ba…?”

“’Yung supervisor?”

Umiling si Socrates. “Hindi. ‘Yung si Caluycoy—pogi ba?”

Nagsinungaling si Paula. “Para sa akin, hindi siya guwapo.”

Bumulong pa si Socrates.  “Baka may gusto sa iyo, Paula?”

Nagsinungaling na naman ang magandang ginang. “Naku, wala. Bakit naman magkakagusto?”

Hindi na nakasagot si Socrates. Kasi’y may nakita. (ITUTULOY)

Show comments