Dear Vanezza,
Ako po ay may asawa at 2 anak. Balak ko pong mag-abroad na lang para makalayo sa aking mga biyenan. Ulila na akong lubos at nakapisan kaming mag-asawa sa aking mga in-laws. Ang problema ko ay ang biyenan kong lalaki na hindi ko makasundo. Lagi siyang may pangit na puna sa mga ginagawa ko. Iresponsable raw ako dahil wala ako sa oras kung umuwi. Eh kaya naman ako late nakakauwi dahil nag-o-overtime ako. Kailangan kong kumayod ng mabuti dahil malaking tulong ito sa aming mag-asawa para sa aming mga anak. Pero hindi ito maintindihan ng aking biyenang lalaki. Lahat din ng kilos ko ay may pintas siya. Kinausap ko na ang misis ko na bumukod kami pero ayaw niya. Yun daw ang gusto ng magulang niya dahil wala na silang kasamang iba. Nagagalit pa siya kapag niyayaya ko siyang bumukod. Ano ang gagawin ko? - Marlo
Dear Marlo,
Kapag nag-asawa na ang anak, wala nang poder sa kanya ang kanyang mga magulang. Himukin mo ang iyong asawa na bumukod kung ‘yan ang gusto mo. Alalahanin mo na ikaw ang lalaki at ang pasya mo, basta’t tama ang siyang masusunod. Ipaliwanag mo sa kanyang mabuti na maganda kung kayo’y bubukod dahil lalo kayong magsisikap at matututo sa buhay. Maayos mo rin sabihin sa iyong mga biyenan ang iyong plano tiyak na maiintindihan ka nila dahil dumaan din naman sila sa pagsisimula.
Sumasaiyo,
Vanezza