Ghost train (3)

SA DI-KALAYUAN sa matatanda, dinig lahat ng dalagang si Nenita ang tungkol sa ghost train; na nabiktima nito ang lasenggong si Dagul; na sumakay sa mahiwagang tren ang kaluluwa ni Dagul at ni Lola Sela.

“Nenita, halika dito, malamok diyan.”  Tinawag ni Aling Clara ang magandang dalaga. Solong anak si Nenita ng kapitbahay na biyuda.

Nakalarawan sa mukha ni Nenita ang ligalig. Nagmano ito sa matatanda. “Mano po…”

“Kumusta ang nanay mo, ineng?”

“Ninerbiyos ho nang husto, baka raw siya na ang susunod…”

Napailing ang matandang babae. “Sabihin mo sa nanay mo, lumipat sa ibang lugar. Du’n sa hindi dinadalaw ng nagmumultong tren. Ako nga, e, uuwi sa probinsiya. Ayoko pang mamatay, ineng. Pupunta pa ako sa anak ko sa Amerika.”

Malungkot na ngumiti si Nenita. “Wala ho kaming planong lumipat.  Bukod sa hindi namin kaya ang gastos, mahal ni Inay ang aming bahay.”

Nakaunawa ang mga kapitbahay. Sila man ay hindi basta mag-aalsa balutan dahil lang sa ghost train. Matatagal na silang residente ng lugar;  ayaw nilang paalipin sa takot.

“Nakukuha naman sa dasal,”  sabi ni Aling Juaning, nakabawi na ito sa sindak.  “Nawiwi ako sa takot habang pasakay na sa tren ang kaluluwa nina Dagul at Lola Sela, pero sanayan lang naman ‘yan.”

“Maglagay kaya tayo ng mga bawang sa harapan ng mga bahay natin? Baka ‘ka ko tulad din ng aswang ang ghost train, e…” Seryoso sa suggestion si Manang Auring. “Mahal ang bawang, ako’y benditadong krus ang ilalagay sa harap namin,” sabi ni Aling Kuwala, hindi rin nagbibiro.

Lihim na nadismaya si Nenita sa mga narinig na solusyon. Hindi ba alam ng matatandang ito na simbolo lamang ng trahedya ang ghost train; na ang tunay nilang kalaban ay si Kamatayan mismo?

Tahimik na siyang nagpaalam, umuwi na agad sa bahay.

“Sino raw a-ang dinaanan, Nenita?”

“Si Dagul ho, Inay…inatake sa puso, sinundo ng lola niyang matagal nang namatay…” Ninerbiyos na naman ang ina ni Nenita. Nanginig.

(ITUTULOY)

 

 

Show comments