Inuusig ng konsensiya

Dear Vanezza

Lumiham ako dahil sa ilang insidente sa sasakyan na naganap kamakailan lang na pinagbuwisan ng maraming buhay. Ang pagkahulog ng bus sa Skyway at isa pang bus sa bangin ng Mt. Province. Nanariwa po sa akin ang sarili kong karanasan dahil ako rin po ay nakabundol ng tao at siya ay namatay. Mabilis ang pagpapatakbo ko ng bus at bigong makaiwas sa kinatatayuan ang isang matanda. Sumuko ako at nakulong. Pero kahit nakalaya na ako ay inuusig pa rin ako ng aking konsensiya dahil sa pagkamatay ng isang tao. Sa pagsulat ko sana kahit paano’y mapagaan ang “guilty feeling” ko. Sa ngayon po ay tumigil na ako sa pagmamaneho ng bus at nagsa-sidecar na lang ako. - Nardo

Dear Nardo,

Ibayong pag-iingat ang kakambal ng pagiging driver ng isang pampasaherong bus. Buhay mo at ng mga pasahero maging ng mga nasa kalsada ang dapat isaalang-alang. Mahalaga rin na matiyak ang pagkakaroon lagi ng sapat na pahinga para anuman ang hindi inaasahan ay maging malinaw ang takbo ng isip at makaiwas sa disgrasya. Pairalin ang disiplina sa tuwina. Pinagbayaran mo na ang iyong naging pagkakasala at nawa’y malimutan mo na ang trauma na dinanas dahil sa isang aksidente.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments