Aswang family (16)

MERONG nakalagay na CCTV sa bodega ng negosyanteng tuso. Galit na binalaan ni Akong ang security guard. “Ako tingin ngayundin CCTV. Kapag nakita ko meron nagnakaw bumper ng kotse, ikaw, guard, akin ipa-fire! Tanggal kita trabaho!”

Bago pa nakapangatwiran ang sekyu ay tinungo na ni Akong ang close-circuit tv sa opisina sa bodega.

Nakunan ng CCTV ang mga naganap; nakapokus sa kotse ang camera. Sa mga unang oras ng gabi ay payapa naman sa bodega, walang tao sa loob, walang sinumang lumalapit sa kotseng binili kina Sotero.

Pero nang hatinggabi na, ayon sa orasan ng CCTV, isang hiwaga ang nasaksihan ni Akong sa video.

Napanganga ang tusong negosyante. “Wha-a-a?”

Kitang-kita ni Akong nang unti-unting mawalang parang bula ang bumper ng kotse—nang walang sinumang kumukuha o nagtatanggal!

Nangalisag ang balahibo ng mapagsamantalang tsekwa. Ni-replay nang ni-replay ang eksena.

Naglalaho ngang kusa ang bumper, hindi na nagbabalik.

“Aaaahh! Meron engkanto ang kotse!” Napatakbong palabas ng CCTV room si Akong.

Nagbalik sa bodega kasunod ang sekyu. “Dali, guard, sa kotse! Meron magnanakaw na engkanto!”

Lalo lamang nayanig si Akong sa bagong estado ng kotse.

“Oh, no! H-hindi ito totoo!”

“B-Boss Akong, mamatay man ho ang lahat ng kuko ko sa paa—wala po talaga akong alam d-diyan…”

Hindi na lang bumper ang nawala sa kotse—pati na apat na gulong!

At hindi nakapatong sa jack o anumang suporta ang kotse.

“Meron magnanakaw na engkanto, guard! Ano dapat natin gagawin?” Labis nang natataranta si Akong.

Anumang hanap nila sa mga gulong at bumper ay nabigo;”W-walang anumang bakas,  Boss Akong…”

“Ako daya ni So­tero! Ako babawi nga­yundin sa pera! Kapag hindi nila balik pera, sila patay!” Lumara­wan ang galit ng negosyante.

At para namang tukso kay Akong, sa mismong presencia nila ng guard tuluyang naglaho, nang slow motion, ang kotse. (ITUTULOY)

Show comments