Aswang family (11)

NAGKUWENTO pa ang bad fairy habang nakaluhod sa harap niya si Mang Sotero.  “Alam mo ba, Shalina, na itong ama mo ang orig kong lover?  Nobya na noon nitong tatay mo ang nanay mong si Ma­meng.” Napapa­lunok si Shalina. Hindi pala tumatanda ang masamang diwata. Si Mang Sotero ay tahimik, mamatay-matay sa hiya sa anak.

“Niligawan niya ako sa may kuweba ng Lupang Banal, akala’y kung sino lang akong magkakahoy sa gubat na tatanga-tanga.

“Na-in love ako rito kay Sotero, nagsumpaan kami lamang ang magmamahalan…

“Pero ano ang ginawa nitong tatay mo? Pinakasalan si Mameng. Inilaglag akong durog ang puso at luhaan…

“Diwata na ako noon pa man, wala akong nagawa dahil kasal sila sa simbahan—hindi puwedeng mahalin pa ako.

“Ano ang tangi kong nagawang ganti rito sa tatay mong ngayo’y amoy-lupa na? Sige, itanong mo, Shalina.”

“A-ano po…?”

“Ang gawing mahirap ang buhay nila ni Mameng! Hindi talaga sila umasenso dahil iyon ang sumpa ko, Shalina.”

Muling nakiusap si Mang Sotero, hilam sa luha. “Adwani, huwag mong idamay ang anak ko…”

“Hindi pa tapos ang kuwento ko! Makinig ka­yong dalawa!”

Tumahimik ang mag-ama.

“Kung di ba nang-iinis kayo ni Mameng, Sotero, nagkaanak kayo ng magandang babae na siya namang inibig ng aking iniibig!

“Bakit si Greco pa ang naging boyfriend ng anak mo, Sotero? Dahil ito ang pagganti ninyo ni Mameng sa akin!”

“Hindi totoo ‘yan, Adwani! Nagkataon lang na sila ang pinagtagpo ng tadhana!”  Parang walang narinig ang bad fairy.

SA SAGINGAN, si Grecong tikbalang ay parang kandilang naupos. Natumba sa putikan. Unti-unting naging tao na naman.

Alam ni Adwani ang nangyayari sa lalaking minahal.

“Sa tuwing pagbibilog ng buwan, ikaw, Sotero, ikaw, Shalina-- pati sina Greco at Mameng, ay magiging Aswang Family!” naaaliw na sabi ng bad fairy. (ITUTULOY)

 

Show comments