‘Butas na lupa’ (58)

“DALI, kailangang maibuhos natin sa sinkhole ang lahat ng bagoong!” utos sa mga tauhan ng chief engineer ng munisipyo. Alam na anumang oras ay posibleng maglalabasan ang iba pang puwersa ng mga taga-ibang planeta.

Wala nang tutol ang mga tauhan; kailangan nilang maniwalang ang amoy nga ng bagoong ang papatay sa mga aliens.

“Sige, ibuhos n’yo sa butas!” luhaang sigaw ng manong. Nilulon ng butas na lupa ang kanyang pamilya. “Iganti n’yo sina Dedeng, Mimi at Mimay ko! Mahal na mahal ko ang mag-iina ko! Hu-hu-huuu!”

Suwaasshh. Bruulugg. Huwaasshhh. Mga ingay at tunog ito ng napakaraming bagoong na ibinubuhos na ng mga taga-munisipyo—sa napakalalim na butas.

SA BAYAN, naihanda ng mayor ang lokal na pulisya at mga barangay-tanod. “Tandaan n’yo, patayin agad ang mga taga-ibang planeta!”

Nakabantay sila sa himpapawid at sa dagat, nag-aabang ng mga nilalang na mukhang susong Hapon. Sa simbahan, ang pari at ang mga mananampalataya ay nagdarasal ng banal na rosaryo; humigit-kumulang, nakumpirma nang sa butas na lupa sa isla nagmumula ang mga aliens.

“Hepe, totoo po bang napatay ng taga-ibang planeta si Doktora Nuñez? Kinanyon daw?”

“Opo, Nanay Tomasa…kumpirmado po ni Engineer Joseph.” Humagulhol ang matanda. “Hu-hu-huuu. Sana’y ako na lang ang napatay! Sakitin na ako! Si Duktora’y bata pa at nanggagamot nang libre!” Nagpatuloy ang pagbulusok ng napakaraming bagoong, mula sa ibabaw ng butas. Bruulluug. Suwaashh. Nasagupa ito ng palabas na puwersang panghimpapawid ng mga aliens; mismong sa mga pandigmang sasakyan kumulapol.

“AIYIII! IIIYIAAA!” sigaw ng mga aliens; sigaw ng desperasyon; nang pagkagapi.

Bumangga sa gilid ng butas na lupa ang kanilang mga pandigma. Umese-ese nang lipad.

 Kraaassh. Buuummm. Blaaamm.

Nagsalpukan ang mga pandigma ng aliens;  hindi nakarating sa ibabaw ng butas.  (3 LABAS)

 

 

                 

             

Show comments