‘Butas na lupa’ (43)

BUMUBULUSOK si Jake sa loob ng butas na lupa, una ang mga paa. Puro dilim ang kanyang nakikita at siya’y nais mabaliw sa takot.

“Aaaahh! Bakit wala na yatang ka­tapusan ito?  Anong klaseng butas ‘to?” sigaw-tanong ni Jake.

Walang liwanag siyang nakikita; bumibilis ang pagbulusok niya.

“Aaaahhh! Aaaahhh!” Sa dilim ay ta­nging paghiyaw ang ka­yang gawin ni Jake.

Tantiya niya’y nakalimang minuto na siya sa tuluy-tuloy na pagbulusok. Nakailang pabalebalentong na siya sa ere ay hindi pa rin niya nararating ang dulo ng butas na lupa.

Kung sa pre-fall ito sa skydiving, mula sa lightplane sa himpapawid, siya ay nakabulusok na sa katumbas ng limang napakataas na gusali sa mundo.

“Damn you, sinkhole! Hanggang saan ka baaa?” Para na siyang baliw na pati ang butas ay minumura, tinatanong.

Nang bigla, makaraan pa ang siguro’y tatlong minuto, nakakita siya ng maputlang liwanag. Kulay-abo, gray, ang liwanag na iyon—sa gawing ibaba niya.

Ibig bang sabihi’y malapit-lapit na siyang sumayad o bumagsak sa dulo ng mahiwagang butas?

Nais niyang matawa—alam na wala siyang kabuhay-buhay.

“Tiyak na lasug-lasog, durug na durog ang katawan ko pagsayad sa ewan kung saang panig ng mundo!” Maling  pangungusap, he realized. Paano naman niyang natiyak na bahagi pa rin ito ng mundo? “B-baka pala ito na ang tinatawag na papuntang…purgatoryo?” kanyang naisip. “Or worst—sa impiyerno na pala papunta ito?”

Bilang tao ay hindi siya super-banal, alam ni Jake. At may paniniwalang ang impiyerno ay nasa ‘ibaba’; never na nasa ‘itaas’. Sa konsepto ng relihiyong namulatan ni Jake, ang nasa itaas ay ang Paraiso o Langit; ang nasa ibaba ay ang Impiyerno o Teritoryo ni Satanas.

Naunawaan na ni Jake ang kanyang babagsakan. Hindi dagat-dagatang apoy kundi isang…dagat na itim!“Aaaahhh!” sigaw na naman ni Jake.

 (ITUTULOY)

 

 

Show comments