‘Butas na lupa’ (28)

NAWALA na ang invisible force na pumipigil sa kilos ni Monica. Nakabangon na siya mula sa hinihigaan.

Binihisan siya ng mga creatures na mukhang susong Hapon.

Iniupo siya ng mga ito, paharap sa walong baby ‘Monica’ na iniluwal ng isang creature.

“Anong gagawin ninyo sa mga duplikadong sanggol, ha? Idedemanda ko talaga kayo sa international court!” sigaw ni Monica; saka naunawaang hindi tama ang deklarasyon.

“Mali pala, hindi sa international court dahil hindi kayo mga tao! You are bad creatures mula sa ibang planeta!

“Dudurugin namin ang lahi ninyo! Wala ka­yong karapatang manatili sa mundo namin!” Galit na galit talaga si Monica.

Hindi naman siya pinapansin ng mga creatures, na maituturing nang mga alien beings.

Abala ang mga ito sa pagmamasid sa walong sanggol na hinugot sa tiyan ni Monica; na isinilang ng isang creature nang sunud-sunod.

Muling nanggilalas si Monica sa bagong kababalaghan. Kitang-kita niya nang unti-unting lumaki ang mga sanggol—right before her eyes.

Sa loob ng limang minuto ay naging ganap nang taong malalaki ang walong sanggol.   

Naging dalaga na ang mga ito—saktung-saktong tulad ni Monica!

“Diyuskupo! N-na-clone na nga nila ako! K-kaydami-dami nang katulad ko!”  Hindi malaman ni Monica kung siya ay maaaliw…o mababaliw.

Daig pa niya ang binabangungot. Nakayayanig ng katauhan ang nagaganap. Ang katotohanang nasasaksihan ni Monica ay stranger than fiction;  mas mahiwaga sa likhang-isip.

Hubad na hubad ang walong dalagang ‘Monica’, palakad-lakad, palundag-lundag; tila nagpapraktis ng tamang paggalaw.

“K-kayo nga ba ako?” wala sa loob na naitanong ni Monica.

Humarap sa kanya ang mga kamukha. Kinausap siya.

“Wuzzu, wuzzi. Vizzu-vizzi.”

“Templangken. Frizcavennuz”

Nasapo ni Monica ang ulo. Mabaliw-baliw na. (ITUTULOY)

 

Show comments