‘Butas na lupa’ (24)

WUUUNNGG. Nagmumula ang kakaibang tunog sa malapad-mahabang gusali na iisang palapag lamang.

Napakasarap sa pandinig ni Monica ang dating ng tunog.

Ang dalagang mula sa ibabaw ng lupa ay parang na-magnet. Unti-unting napalapit sa gusaling hula niya ay mall.

Tumigil na ang suwabeng tunog. Ang katahimikan ay muling namayani sa paligid ng kakaibang sibilisasyon.

Ito ang nasa loob ng sinkhole o butas na lupa, dumidiin sa diwa at kamalayan ni Monica.

May nakabukas na pasukan sa ‘mall’. Wala pa ring isa mang tao o anumang nilalang. Tanging si Monica lamang. “Oh my God…bahala na po Kayo sa akin. Alam ko pong sakop pa rin Ninyo ang lugar na ito.” Kumakapit sa Panginoon si Monica. Mas malamig ang simoy ng hangin sa loob ng ‘mall’, nadama agad ni Monica habang siya’y papasok na. Iginala niya ang mga mata. Nais niyang mapasigaw sa pagkamangha. Hindi siya makapaniwala, labis-labis na ang panggigilalas. “Oh my God! S-Sila nga!” Ang ‘sila nga’ ay mga tao! Mga tao na naging manikin.  Mga pinatuyong tao; stuffed human beings na ginawang display sa loob ng ‘mall’.

“S-Sila nga ang mga nawawalang tao sa Barangay Antukin!” naibulalas ni Monica. “H-hayun sina Chairman Domeng at mga tanod!”

Naroon din ang mga taga-munisipyo; iba’t ibang posisyon at arte ang mga ito; mga manikin na walang buhay.

Naunawaan ni Monica na narito rin ang mga taong inanod ng mahiwagang tsunami; dito rin napunta ang mga nilamon at hinigop ng butas na lupa ng Barangay Antukin.

Para bang hindi pa sapat, ang mga pinatuyong taong ito ay hindi mga nakangiti, hindi payapa ang anyo.

“L-lahat sila’y anyong nanghihilakbot, nagpa-panic. Gaya ng mga sandaling sila’y nilalamon na ng sinkhole!”

Wala nang pagsidlan ang kilabot at panlulumo ni Monica. Nanginig ang kanyang tuhod.

“Uuunn,” ungol niya, nawalan na ng ulirat. (ITUTULOY)

 

Show comments