‘Patay kayo, mga corrupt’ (39)

NAGTAKA ang senior official na nasa harap ng mike, napahinto sa pagtatalumpati. “Bakit kayo napatayo, mga kasama?” tanong niya sa karamihan ng audience.

Kita ng butihing senior official, na siya ring chairman ng pagtitipong iyon,  na mukhang takot na takot ang mga nakatayo. “Para naman kayong nakakita ng multo.”

“May multo sa likuran ninyo, Mr. Chairman!” sigaw-turo ng mga nakatayong politicians.

Taka lalo ang senior official, gayundin ang mga nakaupong politicians; wala silang nakikitang multo.

Lihim na nagdiriwang si Arlene; natupad ng kanyang multo ang nais ilantad sa publiko—ang mga corrupt sa republika.

Nakahalata agad ang mga tiwali, mabilis na nag-upuan.

Pero hindi na napigil ang komentaryo ng senior official. “Ayon sa  balita, ang mga nagpatiwakal nating kasamahan-- nakakita muna ng multo…

“Ibig bang sabihin, my dear colleagues na nagtayuan kanina, nakakita kayo ng multo dahil kayo’y…corrupt?”

Nagkatinginan ang mga tiwali, nangapa ng dapat isalag.

Pabubuking na ba sila? Dahil sa multo?

Sayang naman ang milyun-milyong kinurakot nila sa kaban ng bayan; baka mabawi ng pamahalaan at sila’y makulong pa nang napakatagal?

Si Arlene ay bumaba mula sa stage. Lalapitan ng magandang multo ang mga corrupt na ayaw pabuko.

Pero nakita siya ng mga corrupt.

Mabilis nang nagsipagtayuan, sabay alisan sa social hall; parang mga hinahabol ng sampung diyablo.

“Gentlemen, huwag kayong mag-suicide! Isoli ninyo ang mga nakaw at kayo’y mali­ligtas!” sigaw-paalala ng senior official.

Napapailing ang mga hindi nakakita sa multo; kaylaking kahihiyan ang sinapit ng kanilang hanay; nabahiran na nang husto ang kanilang institusyon.

Paano sila babawi bilang public servants?

MAY nakabibiglang balita. Si Susana Tamporanas, ang hinihinalang mastermind ng pandarambong, ay patay na; atake sa puso. (ABANGAN)

 

 

 

 

  .

                  

 

   

 

Show comments