‘Choosy’ sa bf, natapat sa bungi

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Viki. I’m 32 years old nang magpakasal sa aking bf. Siya ay biktima ng polio at gumagamit ng saklay. Tama pala ang matandang kasabihan. Huwag masyadong mapili at baka matapat sa bungi. Noong araw kasi ay masyado akong mapili sa mga manliligaw ko. Lima ang naging bf ko at lahat sila’y hindi nagtagal sa akin dahil nga “choosy” ako. Ngunit hindi ako nagsisisi. Mapagmahal ang asawa ko at guwapo. Magaling maghanapbuhay at maginhawa ang aking buhay at dalawa naming anak. Yun nga lang, hindi maiiwasang makarinig ako ng mga pamimintas dahil sa kapansanan ng aking asawa.

Dear Viki,

Huwag mong ituring ang sarili mo na natapat sa “bungi” dahil masuwerte ka sa pagiging mapili. Aanhin mo ang asawang kumpleto ang parte ng katawan pero iresponsable, nananakit at hindi marunong magmahal nang tapat? Sa kaso ng mister mo, maaari ngang nakasaklay siya pero uliran, mapagmahal at good provider sa kanyang pamilya. ‘Wag mong pansinin ang pintas ng iba dahil marahil inggit lang sila.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments