Masyado ba akong selosa?

Dear Vanezza,

Pakitago mo na lang ako sa alias na Jen. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Dalawang bf ko na ang nakipag-break sa akin dahil sa sobrang pagkaselosa ko. Kahit kapatid o kamag-anak ng bf ko, basta babae ay pinagseselosan ko kapag nakikita kong kausap niya. Pinipilit kong alisin ang ugaling ito pero hindi ko magawa. Hindi man ako magsalita sa mga naging bf ko, hindi ko maitago ang pagkairita hanggang sa ako’y kalasan na lang nila. Ano ang gagawin ko?

Dear Jen,

Normal ang magselos kung nasa lugar at kung may dahilan. Pero kung nawawalan na ng rason ang pagiging mapanibughuin, indikasyon na iyan ng dalawang bagay, insecurity at possessiveness. Ikaw lamang ang makakaalis ng masamang attitude na iyan. Kung ganyan ka nang ganyan, baka pati sarili ninyong anak pagdating ng araw ay pagselosan mo rin. Nakita mo na ang masamang epekto ng sobrang pagkaselosa dahil gaya ng nasabi mo iniiwanan ka ng mga nakarelasyon mo. Baguhin mo ang iyong ugali. Isipin mo na kahit ikaw mismo ay hindi makakaiwas na kausapin ng mga kaibigan o kamag-anak. Ano ang gagawin mo kung ikaw naman ang pagselosan ng iyong kasintahan dahil kausap mo ang iyong tatay? Maging open minded ka.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments