‘Frustrated’ na magkaanak

Dear Vanezza,

Ako po si Letlet, 22, at hiwalay na sa asawa. Dalawang taon na kaming hindi nagsasama. Ang broken marriage namin ay bunga lang ng kapusukan ng kabataan. I was 18 years old at 19 naman siya nang magtanan kami. Sa unang mga taon namin ay maayos naman kami. Nagsimulang umasim ang relasyon namin nang makunan ako. Gustung-gusto n’yang magkaanak kami. Nang mawala ang baby namin ay ako ang kanyang sinisi. Hindi raw ako naging maingat kaya ako nakunan. Dumalas ang aming away kaya nilayasan ko siya at bumalik ako sa aking mga magulang. May manliligaw ako ngayon na gustong-gusto ko. Kaya lang paano ko siya pakakasalan kung may asawa ako legally?

Dear Letlet,

Ang tanging solusyon ay annulment. Sa bagay na ‘yan ay kumonsulta ka sa abogado. Batam-bata pa kayo nang magpakasal at wala pang malay sa buhay may asawa. Maaaring maging ground iyan para mapagtibay ang pagpapawalang bisa ng kasal. Sadyang ang kapusukan lalo na sa mga kabataan ay nagbubunga ng kabiguan. Ang pag-aasawa ay hindi dapat minamadali. Magsilbing aral sa iyo ang sinapit na karanasan nang hindi na maulit ang iyong kasawian.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments