‘The Kiss’ (1)

MAKALIPAS ang sampung taon na pagkamatay, ang bangkay ni Natalie ay hinukay para ilipat sa mas maayos na memorial park. Namatay si Natalie sa gulang na 22, dalaga.

Kasama ng mga magulang ni Natalie na sasaksi sa seremonyas ang boyfriend ng dalaga—ang binata pa ring si Sam.

Inaasahan na kalansay na lamang ng yumaong dalaga ang makikita. Handa na ang kalooban nilang lahat. Ang taong nagmula sa alabok ay  nagbabalik sa alabok kapag patay na. Ashes to ashes.

Mahinahong tinanggal na ng sepulturero ang takip ng kabaong.

Natigilan ang lahat, hindi makapaniwala—laluna ang mga magulang ni Natalie at si Sam.

Ang sepulturero ay napaatras. “Anak ng huwe…”

Hindi kalansay ang nasa kabaong. Ang naroon ay ang buung-buo pa ring katawan ni Natalie!

Nanatiling batambata at napakaganda pa rin ng bangkay ng dalaga, gaya nu’ng ilibing ito ten years ago.

Napahagulhol ang mga magulang. “Hu-hu-hu-hu-huuu.”

Si Sam ay litung-lito, hindi malaman kung matutuwa o maliligalig. Nababahala ang isipan. “Oh my God, Natalie…”

“Mariano, ano’ng ibig sabihin nito…? Ang ating si Natalie ba ay…?”

“Lucreng, ang alam ko lang—ito’y isang hiwaga…”

“Kayganda-ganda pa rin niya, Mariano…”

“Hindi na-corrupt ng mga uod ang kanyang katawan, Lucreng…”

“Mabait si Natalie nuong nabubuhay…baka siya’y…?”

  “—Isang santa, ha, Lucreng?”

Naipasyang ilagak sa musoleo ng mayamang lolo ang bangkay ni Natalie. Nasa kabaong ito, hindi ibinaon sa lupa.

NAGING balita ang tungkol sa bangkay ni Natalie na hindi naaagnas. Iba’t iba ang naging palagay. Baka raw bampira si Natalie; baka raw takdang maging santa; baka raw aksidenteng na-mummified, gaya ng mga mummy sa Mountain Province at sa Ehipto.

Isang alagad ng simbahan ang nagsabi naman na kayang ipaliwanag ng siyensiya ang nangyari sa bangkay ng dalaga.

May pangamba si Sam. “Natalie, nagaganap na ba?” (ITUTULOY)

 

 

Show comments