Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Iza, 20. Sa hangad ko po na kumita ng salapi, kumagat ako sa alok ng isang recruiter sa aming probinsiya. May 10 kaming kababaihang ni-recruit at hindi namin alam na gagawin kaming mga prostitute sa isang kasa. Anim na buwan akong naging sex slave hanggang isang araw, ni-raid ang kasa at nailigtas kaming mga kababaihan. Dito ko po nakilala si Lito, isa sa mga pulis na kasama sa raid. Niligawan niya ako. Noong una’y naghinala ako na gusto lang niya akong pagsamantalahan. Pero habang nagtatagal, nakita ko ang kanyang pagka-maginoo. Pinuntahan pa niya ako sa aming probinsiya sa Bicol. Doo’y niligawan niya ako at hiningi ang aking kamay sa aking mga magulang. Mahal ko rin siya pero hindi kaya siya isang mapagsamantala lang? Natatakot kasi ako dahil isa akong dating babaeng bayaran.
Dear Iza,
Kilala mo na bang mabuti si Lito? Unang dapat mong malaman ay kung wala pa siyang pananagutan. Dinalaw ka niya sa inyong tahanan sa Bicol, dapat naman siguro ay ipakilala ka rin niya sa kanyang mga magulang. Kung seryoso siya, pormal silang mamamanhikan sa inyo. At kung mapatunayan mong mabuti siyang tao na binata at walang asawa, huwag mong ipagkait sa sarili mo na lumigaya at iwaksi mo na ang iyong nakalipas. Bagamat naging prostitute ka, hindi mo ito ginusto.
Sumasaiyo,
Vanezza