‘Black Angel’ (4)

“SAKALING  nagsulat nga sa blackboard ang sinasabi mong intruder na suot-black angel, ano naman ang nakapagtataka doon? Kahit sino naman puwedeng magsulat sa blackboard, di ba, Dineros?” argumento kay Richard ng security guard. 

“Pero at least, mapapatunayan ko sa iyo na hindi nga ako nag-ilusyon, kuya guard. Na talagang may dumating na outsider na—”

“—Na suot-black angel, alam ko na ang idudugtong mo, Dineros. Pero sige, pagbibigyan kita. Baka nga maniwala ako, malay mo.”

Binuksang muli ng guard ang sarado nang classroom. Sabay nilang pinuntahan ang blackboard.

Napaigtad si Richard. “B-bakit nagkaganito?”

Malinis  na malinis ang blackboard, walang anumang nakasulat.

Masama na ang tingin ng guwardiya kay Richard. Duda na talaga. “Ako ba’y pinagluluko mo, Dineros?”

“Kuya guard, maniwala ka—nagsulat siya, na-memorize ko pa nga! Sabi’y ‘I am a real black angel. May misyon ako’. Chalk ang ginamit niya, hindi ako nagbibiro,” giit ni Richard. “Ibig mong sabihin, Dineros—kusang nabura ‘yung sinulat ng outsider? Ako’y hindi nag-erase, lalo naman sigurong hindi mo aami­ning ikaw ang nag-erase sa blackboard, di ba?” Nakakapikon ang tono ng sekyu.

“Para mo talagang pinalalabas na gumigimik ako, na niloloko kita. Wala namang ganyanan, kuya guard.”

“Dineros, isa pang maling kilos mo’t puwede na kitang ireport sa dean ninyo—na ikaw e parang may topak. Tiyak na ipasa-psychiatrist ka,” mayabang na banta ng guwardiya. “Bawal sa campus ang praning-praning!”

Gigil na gigil si Richard pero hindi naman makapalag sa  guard; pinakaayaw ng binatang estudyante ay madawit sa anumang gusot.

Tahimik na niyang iniwan ito, sinarili ang galit sa pangyayari.

Super-yabang na pinagtawanan siya ng bantay, may kasama pang paglait. “Ha-ha-haa! Takot kang masipa, ha, Dineros?  Duwag!”

Muling ikinandadao nito ang classroom.

Nang biglang magulat, may naramdaman. “M-may humuhugot sa b-baril ko…p-pero w-wala naman akong nakikita…” Nahugot ang baril, lumutang, kusang tumutok sa mukha ng guard. “Aa-aa-aahh…” Napataas ito ng kamay, nais himatayin. ITUTULOY

 

 

Show comments