‘The beautiful ones’ (23)

“ATTACK!” utos ni Oreo sa magagandang zombie, kainin na raw at gutayin nang buhay ang taong sagad na umapi sa kanya noon.

Sumugod ang mga living dead, pero na­ngapaurong—halatang natakot.

“Ngizzz... Unnngg… Graall…” Ungol at singasing ang tanging nagawa ng mga ito. Parang diring-diri kay Tiyo Berong.

Nakita ni Oreo ang dahilan. “Putrakla ka, Tiyo! Alisin mo ‘yang rosary mo! Hindi ka dapat meron niyan!”

Mahinahon ang matandang lalake. “Ayaw ng Diyos na madagdagan ang kasalanan mo, Oreo. May pag-asa ka pang isalba ang kaluluwa mo—huwag mapunta sa impiyerno.”

“Kagaguhan, Tiyo! Sarado na ang usapan namin ni Satanas! Kanya ang kaluluwa ko, akin naman ang katawan mo para parusahan!”

Nagpakatatag lalo ang matandang dating makasalanan, lalong ihinantad sa mga zombie ang rosaryong nasa leeg.

“Graall…unnn…ngiiizz,” muling ungol-singasing ng beautiful zombies, hindi makalapit sa matanda.

“This is so unfair, tiyo! Ang tulad mo ay dapat tumanggap ng malupit na kamatayan!” sigaw ni Oreo. “Alisin mo sabi ang rosaryo!”

Parang walang narinig ang matanda. “Oreo, maraming tao ang walang kuwintas na rosaryo—mapapatay sila ng mga alagad mo…”

“So what? Ano ang pakialam mo?”

“Mabubulid ka sa pinakamalalim at pinakamainit na lugar sa impiyerno. Para kang nililitson doon nang buhay—nang walang katapusan…”

Napalunok si Oreo. Bigla’y nais matakot sa sasapitin ng kaluluwa.

Pero agad ding kinalaban ang takot; inuna pa rin ang galit sa tiyuhin.

“Attack! Attack! Attaaackk!” sigaw muli, itinutulak na ang mga zombie sa dapat patayin.

“Graall…uuunn…ngizzz.” Bigo na naman siya,  takot na takot, tumatanggi ang magagandang alagad.

“Aaahhh! Mga inu­til! Mga walang silbiii!”  sigaw niya.

Mabilis na may kinuha sa van.  Tubong bakal.

Pinalo sa ulo si Tiyo Berong. POKK.

Bumagsak ito. Nakuha ni Oreo ang rosar­yo, ihinagis sa malayo.

Hindi na siya nag-utos. Umatake na ang mga zombie.

(ITUTULOY)

 

 

                               

Show comments