“May Impakta sa tiyan ko” (2)

PUMASOK  sa bunganga ni Brando ang spaceship na ‘singliit ng sigarilyo at mula sa kalawakan  Tsomp.. Nalulon ito ng binatang tamad-lasenggo. Napaigtad si Brando, nawala ang kalasingan. Hindi makapaniwala na nakalulon siya ng spaceship na tingin niya’y laruan.

“N-naka-remote control ‘yon, kaya nakakalipad kahit saang direksiyon!” Taranta ang binata, pinakikiramdaman ang lalamunan.

Panay ang lunok niya. Wala namang nakabara.

Kung gayo’y tumuluy-tuloy ang nalulon niya—sa siguro’y sikmura na niya. “Malalason ako. O baka maiimpeksiyon.”

Ayaw niyang magpaduktor. Mula pa bata’y takot na siya sa duktor.

Lalong ayaw niyang maospital; bukod sa gastos ay takot siyang hindi na makalabas nang buhay mula sa ospital.

Umuwi na siya ng bahay, patuloy na pinakikiramdaman ang tiyan. Alam niyang sa tiyan tumutuloy ang mga bagay na nalululon.

Naalala niya ang kanyang lolo. Nalulon nito habang natutulog ang pustiso. Inoperahan ang matanda. Namatay sa ospital.

Ang hinala talaga ni Brando, may taong nagpalipad sa laruang spaceship-- naka-remote control. Nakita ba ng taong ito ang ginawang perhuwisyo sa kanya?

Gigil na gigil si Brando. Sana pala raw ay nakumpronta niya ito, dinala sa pulis para papanagutin sa ginawang damage sa kanyang katawan. Wala itong karapatang ipasok sa system niya ang laruang spaceship.

LALONG tinamad si Brando; dapat ay naghahanap siya ng trabaho matapos masipa sa construction bilang laborer. Sa maghapong ito ay nanatili siya sa bahay, umaasa na hihilab ang tiyan at siya’y mapapa-CR.

Ilalabas niya ang anumang ‘yon na  nakapasok nang sinundang gabi.

Para namang biniro siya ng tadhana, ayaw humilab ng kanyang tiyan, panay lang ang buga ng hanging may tunog.

Kahit nasa labas ng bahay ay hindi mapigil ni Brando. Puuut.

Nagbalik na lang sa tirahan ang binata, palilipasin muna ang mababahong hangin niya.

Maggagabi nang magsimulang umalon ang kanyang tiyan. Baba-taas iyon, galaw nang galaw. Para siyang buntis na ang nasa sinapupunan ay kumikislot na.

May kung anong naggagala sa loob ng kanyang tiyan! (ITUTULOY)

Show comments