Boyfriend ko si kamatayan (17)

“HUWAG kang magbiro nang ganyan, NA, baka pumayag ako, mapapahiya ka,” babala ni Lezzy kay Negro Angelo.

Pero naninindigan ang boyfriend. “Lezzy, I can do it. At kung handa ka na, makikita mo na rin ang tunay kong anyo.”

Kinabahan ang dalaga. “H-Hindi ka naman siguro aswang, manananggal, tikbalang or vampire, ha, Negro?”

Umiling ang binata. “None of the above. Nakahihigit ako sa kanila nang isang libong beses.”

“M-makikita ko t-talaga si Lucille…kung nasaan na siya?”  Nais umasa ni Lezzy kahit sa imposible. Ganito niya ka-miss ang kaibigang bading. “At pati ang talaga mong pagkatao?”

“Hindi ko tinatawag na ‘pagkatao’. Mas angkop ang ‘tunay na anyo’, Lezzy.  Dahil iyon ang talaga mong makikita sa akin…”

Tumango si Lezzy, handa na sa kababalaghang pangako ng boyfriend.

“Ipangako mong hindi ka magpa-panic.”

“I won’t panic, promise.”

Biglang namatay ang ilaw sa malaking salas na mataas ang ceiling.

“N-Negro Angelo, n-nasaan ka?”

“Mamaya mo ako makikita. Ngayo’y si Lucille muna, Lezzy.”

Sumalit ang ganap na katahimikan ng paligid. Pati tunog ng paghinga ni Lezzy ay narinig.

At unti-unting lumutang sa dilim ang tanawing noon lang nakita ni Lezzy sa buong buhay niya.

“Oh my God…”

Nakatitig siyang manghang-mangha sa mahabang hanay ng mga tao sa  kalangitan—pawang nakaputi, parang nakapila sa libreng bigas ng mga epal na pulitiko.

“W-What is this, Negro Angelo?”

Tinig lang ni NA ang sumagot. “Linya ng mga kaluluwang papunta sa Langit. Mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo…halos magkakasabay namatay sa iba’t ibang dahilan…”

“Masasaya silang lahat, Negro…”

“Kasi nga’y papunta na sila sa Langit—hindi sa Impiyerno, Lezzy.”

“Oh my God…hayun si Lucille!”  ITUTULOY

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Show comments