Dear Vanezza,
Tawagin n’yo na lang akong Rangel, 25 years old at may bf na mama’s boy. Walang tutol ang mga magulang niya sa aming relasyon. Solong anak ang bf ko at bata siya ng isang taon sa akin. Nagustuhan ko siya dahil mabait at mature ang pananaw niya. Yung nga lang masunurin masyado sa ina. Ngayong nagbabalak kaming pakasal gusto ng nanay niya na doon kami tumira sa kanila at ayaw kaming bumukod. Ayaw ko ang ganoon dahil mawawalan kami ng diskarte sa sarili naming buhay. Kung tutuusin, malaki naman ang pinagsamang income namin ng bf ko at kaya naming mangupahan ng apartment o magpatayo ng low-cost housing. Natatakot kasi ako na baka ang biyenan ko pa ang maging mahigpit kong karibal. Ano ang dapat kong gawin?
Dear Rangel,
Kumbinsihin mong mabuti ang iyong bf na bumukod kayo kapag kayo’y mag-asawa na. Totoong may disadvantage kapag ang mag-asawa ay nakikipisan sa mga magulang. Mag-usap kaÂyong maigi ng nobyo mo. Kapag ang anak ay nasa wastong gulang na, ang tungkulin lang ng mga magulang ay magpayo at ang huling desisyon ay nasa anak. Ang bf mo ang kumumbinsi sa kanyang ina na gusto niyang mamuhay nang responsable at nakapag-iisa at mangakong madalas na dadalaw sa kanila. Bigyan mo siya ng sapat na panahong mag-reconsider at kung ayaw pa rin niya, ikaw na ang magdesisyon.
Sumasaiyo,
Vanezza